SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
HINDI na kami nagtaka nang iprisinta ng Net25 ang show nina Vic Sotto at Pauleen Luna na kasama ang kanilang anak na si Tali, ito ang Love Bosleng and Tali. Madalas din kasing nagpapakita ng talento niya sa pag-arte at pagiging matatas si Tali sa social media kaya nahulaan na namin noon na hindi malayong pasukin din nito ang showbiz.
At hindi rin naman napigilan ng mag-asawang Vic at Pauleen ang kanilang anak na mag-artista dahil anila nga, ito na ang kinalakihan ng bata kaya hindi na ito maaawat na pasukin din ang pag-arte.
Ang Love, Bosleng and Tali ay katulad sa format ng weekly drama anthology na Magpakailanman at Maalaala Mo Kaya.
At sa ginanap na grand mediacon para sa mga programa ng NET25 sa studio ng Eagle Broadcasting Corporation sa Diliman, Quezon City, nasabi ng mag-asawa ang dahilan ng pagpayag nila na mag-artista si Tali.
“Kapag iyon ang kinalakihan niya, napapanood niya sa TV ‘yung daddy niya, ‘yung mommy niya. Hindi mo maaawat, eh,” ani Pauleen.
“At nasa dugo na niya, nasa dugo niya siguro ang magaling na singer, magaling na aktres (tulad ni Vic).’Yung pagka-comedian naman, eh, sa kanya pa rin namana,” dagdag pa ni Poleng.
“Kasi behind the camera she’s very funny. Nakatatawa siya, eh. And hilig. Eh, alam mo na, kapag ang hilig ng bata, hindi mo maaawat, eh, hindi mo mapipigil.
“So ang importante naman, eh, nag-e-enjoy siya, enjoy siya sa ginagawa niya, looking forward siya parati kapag may taping kami,” esplika naman ni Vic.
Napag-alaman naming dapat sana’y si Vic lang ang lalabas sa show pero nang nakipag-meeting sila sa NET25 doon na sinabing kasama ang kanyang mag-ina.
“’Tapos that’s it, wala namang pag-aalinlangan kasi we know naman that we’re in good hands,” ani Pauleen.
Napapanood ang Love, Bosleng and Tali tuwing Linggo, 6:00 p.m., sa NET25.
Bukod sa Love, Bosleng and Tali, inilunsad din nila ang Ano Sa Palagay N’yo (Year 2), ASPN, nina Ali Sotto at Pat-P Daza. Inilalahad nila ang kanilang makabuluhang komentaryo at pagsusuri sa mahahalagnag pangyayari, isyu, at personalidad. Salungat sa nakasanayan nating male dominated radio talk genre, kapansin-pansin ang kanilang atensiyon sa maliliit na detalye. Napapanood ito tuwing Lunes-Biyernes, 8:00 a.m..
Nariyan din ang Tara Game Agad-Agad ni Aga Muhlach na may marami at malalaking papremyo. Ito ang natatanging game show na pwede kang manalo kahit hindi mo alam ang sagot. Makikisaya sa bagong season ang dalawang magagandang co-hosts na sina Yukii Takahashi at Diana Menezes na mapapanood simula Oct. 17, Linggo, 7:00 p.m..
Isa rin sa kaabang-abang ay ang Moments ni Gladys Reyes na nasa-16 anibersaryo na. Sa bagong season may mga bagong sorpresa na tatatak sa puso ng bawat pamilya. Abangan ang Chikat or Chikahan with Sikat, Moment ko ‘To, at Kusina Moments. Napapanood ito tuwing Linggo, 4:00 p.m..
Isa naman din sa bagong show ang kay Korina Sanchez, ang Korina Interviews na magbibigay ng masaya, malaman, at makabuluhang talakayan kasama ang mga kilalang personalidad. Sa bawat episode, dadalhin ng Korina Interviews ang kanilang viewers sa mundo na makatutuklas ng realidad, hamon ng buhay, at sikreto ng tagumpay. Mapapanood ito simula Oct. 2 (Linggo), 5:00 p.m..
Kasama rin ang Oh No, It’s BO (Biro Only) na nasa season 3 na na naghahatid ng mga walang tigil na katatawanan. Mapapanood dito ang mga prank sa mga ordinaryong Pinoy. Sa Season 3, makakasama ang mga sikat na Tiktokers na sina Niko Badayos. E.L. Mendoza, at ang Kumu Livestreamer na si Jai Gonzales. Napapanood ang Oh No, It’s BO tuwing Sabado, 8:00 p.m..
At ang pinakahuling show na ibinandera ng Net25 ay ang Ano’ng Meron Kay Abok?, na sa October 1 simulang mapapanood. Ito’y pagbibidahan ni Empoy Marquez, kasama si Alexa Miro. Ukol ito sa dalawang dating magkasintahan na kung kailan napag-usapan ang kasal ay susubukin ng tadhana. Ano’ng Meron Kay Abok? Alamin tuwing Sabado, 7:00 p.m..