FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
MALIWANAG na ang pinakamahalagang natamo sa biyahe kamakailan ni President Marcos, Jr., sa New York ay ang malugod na tanggapin ng bansa ang pakikipagkaibigan ng Amerika, na personal na inialok mismo ni President Joe Biden.
Ito ang pinakaimportante, kung ikokonsiderang sa nakalipas na anim na taon ay nabahiran ang matatag na ugnayan ng dalawang bansa dahil sa hindi magagandang pahayag ng kanyang pinalitan, si Rodrigo Duterte, laban sa Washington.
Maganda ang ginawa ni Marcos na magbukas muli ng panibagong yugto sa ugnayan ng Filipinas at Amerika. Marahil kung bibigyan siyang muli ng pagkakataong magsalita sa UN General Assembly, mas maraming pinuno ng iba’t ibang bansa ang mananatili sa kanilang upuan para makinig sa kanyang speech.
* * *
Nitong Biyernes sa New York (Sabado sa Filipinas), nagtalumpati si President Junior sa Asia Society forum, nanawagang resolbahin ang mga hindi pagkakasundo sa Ukraine at Taiwan Strait at maging mahinahon sa usapin ng nukleyar na armas.
Mistulang bahagi ng kanyang pitch ang magkaroon ng non-permanent seat sa UN Security Council kahit pa nauna na niyang binigyang-diin na hindi isusuko ng Filipinas ang kahit isang kuwadrado pulgada ng karagatan nito sa alinmang bansang nangangamkam ng teritoryo – ang tinutukoy niya ay China.
Pero dito sa atin dapat unang patunayan ni Marcos Jr., ang paninindigan niyang ito, huwag isuko ang kahit isang kuwadradong pulgada ng Masungi Georeserve – isang protected area na pagmamay-ari ng Republika ng Filipinas – sa sinumang trespassers na nagpapanggap na may-ari raw ng nabanggit na lupa sa utos ng mga tiwaling opisyal ng DENR na noong unang bahagi ng 2000 ay nakipagkasundo para sa umano’y survey plan sa lugar.
Protektahan ang Masungi Georeserve. Tugisin ang mga kasabwat at protektor ng isang “Major Layno,” na nagpakalat ng mga armadong bantay sa naturang forest reservation. Pagkatapos nito, maniniwala na kami sa paninindigan mo para sa ating mga teritoryo, Mr. President.
* * *
Kaliwa’t kanan ang nababalitaan ko tungkol sa mga klase sa ilang Grade levels sa mga pampublikong eskuwelahan dito sa Metro Manila na sinususpende raw ng hindi bababa sa isang linggo dahil sa hawahan ng COVID-19 sa pagitan ng mga estudyante o ng kanilang mga guro.
Reklamo ng mga magulang, hindi dapat nangyari ito kung naging estrikto sa pangangasiwa sa distansiya ng mga tao sa mga gates, kung sapat ang supply ng mga gamit sa paglilinis at disinfection gayondin ang washing stations sa mga campus, kung lagi at masusing nalilinis ang mga banyo, at kung ang kultura ng “new normal” ay maayos na nagabayan ng mga tamang health protocols.
Ang aktuwal na sitwasyon sa mga paaralan ngayon ay isang bagay na hindi namin inaasahan sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte sa Department of Education (DepEd). Ikaw ang nagpumilit sa pagbabalik ng face-to-face classes, Madam VP. Kaya, please, gawin sana ang kinakailangan para makontrol ang hawahan.
* * *
At habang abala ka sa pagresolba sa problemang ito, kagalang-galang na DepEd Secretary, ikonsidera mo na rin ang mga mungkahing ipinadala ng mambabasa ng Firing Line na si Jun Gador. Isinulat niya ang mga suhestiyong ito:
Una, “isama sa pagtuturo ang good manners at right conduct; hindi pagtatapon ng basura sa mga ilog, estero, kanal, at lansangan dahil hindi tayo nakatira sa basurahan – hindi na tuloy makadaloy ang tubig patungong Manila Bay;”
Pangalawa, “ibalik ang mga textbooks sa halip na workbooks para magamit din ang mga ito ng mga nakababatang kapatid ng estudyante” at
Pangatlo, “ihinto na ang K-12 dahil hindi naman nito naisasakatuparan ang purpose na maagang makapagtrabaho ang mga estudyante. Pinipili pa rin ng mga kompanya ang mga nagkolehiyo o college graduates.”
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.