NAGAWA pang magpaalam sa babaeng kaibigan ang 23-anyos binata bago nagbaril sa sarili sa loob ng silid ng kanilang tahanan sa Quezon City, Linggo ng gabi.
Ang biktima, kinilalang si Dan Carlo Martin Domingo, 23 anyos, binata, residente sa No. 10 Dali St., Fillinvest II, Brgy. Batasan Hills, Quezon City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-CPD), bandang 7:30 pm nitong Linggo, 25 Setyembre, nadiskubre ang duguang biktima sa loob ng silid ng kanilang tahanan sa nasabing barangay.
Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Christian D. Loyola ng CIDU, dakong 3:43 pm noong 24 Setyembre, nakatanggap ang kaibigan ng biktima na kinilalang si Audrey ng message mula sa biktima na nagsasaad ng… “Drey, I’m at my lowest point.”
Kinabukasan, 25 Setyembre, dakong 5:23 pm, muling nakatanggap si Audrey ng messages mula sa binata na nagsasabing … “My story…at sinundan ng… “Sige sign out na ako.”
Nagpasyang puntahan ni Audrey kasama si Jed Matthew, ang kaibigan upang personal na kausapin ukol sa problema nito.
Pagdating nina Audrey at Jed Matthew sa tahanan ng biktima ay nagkataon na kadarating lang din ng mga magulang nito na sina Danilo at Melissa Domingo.
Ipinakita ni Audrey ang mga mensahe ng kaibigan sa kanyang mga magulang kaya agad silang kumatok sa silid ng biktima ngunit halos ilang minuto na ay hindi pa sumasagot.
Dahil dito, napilitan ang mga kaibigan at magulang ng binata na puwersahang buksan ang pinto at doon ay bumungad sa kanila ang duguan at nakahandusay na biktima sa ibabaw ng kama habang nasa tabi ang cal. 9mm pistol.
Naisugod sa Diliman Doctors Hospital ang biktima ngunit binawian ng buhay dakong 8:18 pm, ayon kay Dr. Paul Jerico Ang Ramos, sanhi ng grabeng tama ng bala ng baril sa dibdib na tumagos sa likuran.
Nasamsam naman sa crime scene ng SOCO team mula sa QCPD Forensic Unit na pinamumunuan ni P/Capt. Eric Angay Angay, ang isang CZ caliber 9 mm pistol na may serial number D5522, may nakapaloob na magazine, at may pitong catridges, isang fired cartridge case at isang basyo ng bala.
Masusing nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad kung may naganap na foul play sa naganap na insidente. (ALMAR DANGUILAN)