ISA PANG DAGOK sa bagong administrasyon ng BF Resort Village Homeowners Association, Inc. (BFRVHAI) ang pagpapalawig ng Las Piñas Regional Trial Court (RTC) ng 20 araw simula 22 Setyembre 2022 sa inilabas nitong 72-hour temporary restraining order (TRO) na inisyu noong 19 Setyembre 2022.
Ipinahayag ni Senadora Cynthia Villar, pinalawig ang TRO hanggang 9 Oktubre 2022 matapos makita ng korte na may sapat na basehan batay sa ebidensiyang inihain ng petitioners sa summary hearing noong 21 Septyembre 2022.
Habang epektibo ang TRO, itinakda ng korte ang mga pagdinig sa mga petsang 27, 28, 29 at 30 ng Setyembre 2022, para maghain ang mga partido ng kanilang ebidensiya upang mabatid ng korte kung kailangang magpalabas ng Writ of Preliminary injunction.
Nagsimula ang kontrobersiya noong 24 Hulyo 2022 matapos maglagay ng guwardiya ang bagong village administration sa Onelia Jose St. at hindi pinadaan ang Las Piñas resident-holders ng friendship stickers.
Ang Onelia Jose St., ang nagkokonekta sa Zapote River Drive patungong CAVITEX at Bacoor, Cavite para sa mas maikling biyahe.
Nauna nang pinayagan ng Las Piñas local government unit (LGU) ang mga residente nito partikular ang mga holder ng friendship sticker, kaya maaaring dumaan sa mga subdibisyon na idineklarang ‘Friendship Route’ sa ilalim ng city ordinance.
Ang Friendship Route ay ginawa para makatulong na mabawasan ang trapiko sa Alabang-Zapote Road at iba pang pangunahing lansangan sa siyudad, na may kaukulang parusa sa mga lalabag. (GINA GARCIA)