SA KULUNGAN sinalubong ng isang 23-anyos na ‘naghanda’ ng bigas at toma sa pagdating ng super typhoon na si Karding matapos nakawin ang baterya ng bangkang pangisda ng kanyang kabarangay sa Navotas City, nitong Linggo ng madaling araw.
Kinilala ang suspek na si Alexander Pascua, 23 anyos, residente sa M. Ablola St., Brgy. Tangos – South.
Batay sa ulat ni P/SSgt. Joseph Provido kay Navotas City police chief Col. Dexter Ollaging, dakong 3:00 am nang inspeksiyonin ng complainant na si Madel Del Rosario, 34 anyos, at kanyang mister, ang kanilang fishing boat sa Coastal Dike, Pantay-Pantay St., ng nasabing barangay habang naghahanda sa masamang panahon.
Dito, nadiskubre ng mag-asawa na nawawala na ang baterya ng kanilang fishing boat kaya pumunta sila sa kanilang barangay at ini-report ang insidente.
Sa tulong ng mga tanod na nagsagawa ng pagsisiyasat sa nasabing lugar, natagpuan ang baterya sa saksing si Jerbie Tiozon, 36 anyos, na ibinenta umano sa kanya ng suspek.
Inaresto ng mga tanod ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong Theft, habang nabawi ang 6SM 12-volt battery na nasa P6,000 ang halaga.
Sising alipin man ang suspek dahil aniya’y ipinambili niya ng bigas at ang iba ay ipinang-inom, wala siyang magagawa kundi maglamyerda sa preso dahil walang pambayad sa ninakaw na baterya. (ROMMEL SALES)