ARESTADO sa inilatag na Manhunt Charlie Operation ng mga awtoridad ang nakatalang Rank no. 1 Most Wanted Person para sa kasong Statutory Rape sa bayan ng Talavera, lalawigan ng Nueva Ecija nitong Martes ng umaga, 20 Setyembre.
Sa ulat mula kay P/Col. Richard Caballero, OIC ng Nueva Ecija PPO, dakong 9:40 ng umaga kahapon nang magsagawa ang mga operatiba ng Talavera MPS sa pamumuno ni P/Lt. Col. Ranny Casilla ng Manhunt Charlie operation sa Brgy. Baluga, sa nabanggit na bayan.
Nadakip sa operasyon ang suspek na kinilalang si Geremias Grospe, 39 anyos, residente ng naturang barangay at nakatala bilang No. 1 Most Wanted Person sa bayan ng Talavera.
Inaresto si Grospe sa bisa ng warrant of arrest para sa dalawang bilang ng kasong Statutory Rape na walang itinakdang piyansa.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Talavera MPS ang suspek para sa nararapat na disposisyon. (MICKA BAUTISTA)