Magkasunod na inaresto ang isang dating rebeldeng pinaghahanap ng batas at isang miyembro ng Quick Response Team (QRT) dahil sa walang habas na pamamaril sa ikinasang police operations sa lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 17 Setyembre.
Sa ulat kay P/Col. Relly Arnedo, OIC ng Bulacan PPO, dakong 01:53 ng hapon kamakalawa nang madakip sa isinagawang manhunt operations ng tracker teams ng Malolos CPS katuwang ang 301st MC RMFB3, 103 MC RMFB1, PIU Bulacan, 24SAC SAF, 702nd Brigade NISG-NL sa Brgy. Pinagbakahan, lungsod ng Malolos ang isang dating rebelde sa bisa ng warrant of arrest.
Kinilala ang suspek na si Oscar Agsi, 52 anyos, tricycle driver at residente ng Camp Am-amasan na matatagpuan sa boundary ng Sigay at Gregorio Del Pilar, sa lalawigan ng Ilocos Sur.
Pinaniniwalaang dating kasapi si Agsi ng ICRC/CTG ng binuwag na KLG SIS ng Alfredo Cesar Command bilang Vice Team Leader.
Dinakip ang suspek sa kasong paglabag sa RA10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at sa Section 3 ng RA 9516 o Unlawful Manufacture, Sales, Acquisition, Disposition, Importation or Possession of an Explosive or Incendiary Device na walang itinakdang piyansa.
Samantala, dakong 4:11 ng hapon kamakalawa nang naaresto sa follow-up operation na ikinasa ng mga tauhan ng San Jose Del Monte CPS ang suspek na kinilalang si Roberto Mercado, 65 anyos, volunteer, at miyembro ng QRT sa Brgy. Muzon, sa lungsod ng San Jose del Monte.
Sinampahan ang suspek ng kasong Frustrated Murder na siyang itinuturong may kagagawan sa insidente ng pamamaril na naganap sa Sitio Partida ng nasabing barangay dakong 4:00 ng madaling araw ng kamakalawa. (MICKA BAUTISTA)