HINDI na nakapalag ang apat na katao nang dakpin ng mga awtoridad matapos maaktuhan sa ilegal na pagbebenta ng mga produktong petrolyo sa Brgy. Caypombo, sa bayan ng Sta. Maria, lalawigan ng Bulacan, nitong Martes ng gabi, 13 Setyembre.
Sa ulat mula kay P/Col. Relly Arnedo, OIC ng Bulacan PPO, nagkasa ng buybust operation ang magkasanib na puwersa ng Bulacan CIDG at Sta. Maria MPS na nagresulta sa pagkakadakip ng apat na indibiduwal dakong 7:40 ng gabi kamakalawa.
Kinilala ang mga suspek na sina Jay Sabinori, Lalaine Tompong, Rolly Enting, at Roy Mahusay na inaresto matapos ang napagkasunduang bentahan ng ilegal na produktong petrolyo.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 30 lata ng butane, anim na kahon ng butane canister na may liquefied petroleum gas (28 lata bawat kahon), anim na kahon ng basyong lata ng butane (28 lata bawat kahon), 19 na sako ng basyong lata (50 kahon bawat sako), 18 tangke ng LPG, anim na basyo ng LPG tank, isang refill mechanism na may hose pipe, dalawang timbangan, isang mobile van, at marked money na ginamit sa operasyon.
Kasalukuyan nang nakakulong na sa Sta. Maria MPS custodial facility ang mga suspek na nahaharap ngayon sa kasong Illegal Selling of Petroleum Products alinsunod sa PD 1865. (MICKA BAUTISTA)