SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MATAGUMPAY ang unang pagsasa-ere ng ALLTV noong Setyembre 13 sa pamamagitan ng kanilang news at entertainment program na ang unang pasabog ay ang no holds barred interview ni Toni Gonzaga kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kasama ang 2.5-hr na variety show; at ang pagbabalik-TV ni Willie Revillame sa pamamagitan ng kanyang show na Wowowin.
Trending ang unang sabak sa ere ng ALLTV, ang broadcast station ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS) sa Twitter na may hashtags na #ALLTVSayaAll, #ALLTVChannel2, #Wowowin, at #ToniTalkswithBBM. Kasabay ng unang ere ang paglulunsad din ng kanilang upbeat station ID sa digital at analog channels, gayundin sa kanilang social media accounts.
Ani Maribeth Tolentino, presidente ng AMBS, na ang kanilang paglulunsad ay masasabi niyang ‘breaking barriers’ dahil sa massive presence ng airwaves at social media.
“We have just started and we are actually still working to have good shows for your TV experience. This is just the beginning of many more surprises,” giit ni Tolentino.
Pinag-usapan din agad ang ALLTV dahil sa mga naging sagot ni PBBM sa maraming issue, tulad ng kung ano naramdaman niya sa pagbabalik sa Malacanang pagkaraan ng 36 taon simula nang mapaalis sila dahil sa People Power 1; ang kanyang drug campaign, death penalty, at ang “historical revisionism” sa exclusive interview niya kay Toni para sa show nitong Toni Talks.
Ani Marcos nahati ang bansa dahil sa politics “We lost sight in many ways on national interest. We only talked about partisan (politics).”
Idinagdag pa ng Pangulo na, “I’ve learned this a long time ago: performance is the best politics.
“That’s what the people remember.”
Sa kabilang banda, maraming celebrities ang nakiisa sa pagsasahimpapawid ng ALLTV. Nagbigay ng kanilang live performances sina DJ Loonyo, Mannex Manhattan, at Nik Makino sa Palazzo Verde sa Vista Alabang, at sa studio sa Wil Tower sa Quezon City na roon napanood sina Willie at Toni na siyang nagbukas noong Setyembre 13, ng 12 ng tanghali.
Sinabi nina Willie at Toni na handang makapagbigay-saya, excitement at pag-asa sa mga manonood ang AllTV.
Nakiisa rin sa opening sina Ruffa Gutierrez, Mariel Rodriguez, Ciara Sotto, Julia Barretto, at Ella Cruz na namigay ng cash. Kasama rin nila ang internet sensation na si Donnalyn Bartolome.
Napanood din ang singer at TV Host na si Randy Santiago na siyang nag-host ng Instajam mula 2:30 p.m. hanggang 4:30 p.m. kasama ang South Border gayundin sina Jinky Vidal, Kris Lawrence, Luke Mejares, Kim Molina, Katrina Velarde, at Janine Teñoso na nagbigay ng kanilang mga live performances
Present din ang multi-awarded TV at film director na si Paul Soriano.
At siyempre hindi kompleto ang show ni Willie kung hindi siya mamimigay. Isang lucky caller ang nabigyan ng bahay mula sa Bria and Lumina.