USAP-USAPAN ngayon ang pagkakatalaga kay Mary Melanie “Honey” Quiño bilang bagong Deputy Administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Isang abogado at kilalang movie producer si DA Honey bago siya napasok sa public service.
Si Arnell Ignacio ang bagong OWWA Administrator na galing din sa entertainment industry. Maganda ang naging track record ni Arnell at ‘yun ang gustong sundan na yapak ni DA Honey.
Si DA Honey ang may-ari ng A&Q Entertainment & Primestream, Inc., A&Q Production Films, at AQ Prime. Marami na silang nagawang mga pelikula kabilang dito ang Nelia nina WinWyn Marquez at Raymond Bagatsing na isa sa official entries ng MMFF 2021; Ligalig ni Topel Lee starring Nora Aunor, Raymond Bagatsing, at Snooky Serna; Fairy Tale ni Joel Lamangan na pinagbibidahan nina EA de Guzman at Ate Gay at ang pang-international movie na Pura Serbidora ni Louie Ignacio na tampok sina Elizabeth Oropesa at Dolly de Leon.
Bago man sa public service ay hindi ito magiging hadlang kay DA Honey na maibahagi niya sa OWWA ang mga nakikita niyang proyekto para sa ikabubuti ng ating mga migranteng manggagawa.
Masasabi ngang masuwerte ang OWWA dahil nagsanib-puwersa sina Arnell at Honey na maituturing na mga influencer ng entertainment industry dala ang mga pagbabago at pagpapabilis ng serbisyo para sa ating mga OFWs at sa mga pamilyang naiwan nila rito sa Pilipinas.
“I’m so happy to be working with DA Honey. Alam ko na nasa puso niya ang pagtulong sa kapwa wala pa man siya noon sa gobyerno. Naniniwala ako sa kakayahan niya at malaki ang maiaambag niya sa OWWA lalo na at marami siyang mga fresh ideas na maaari naming gawing mga project sa OWWA,” pahayag ni Admin Arnell. (MVN)