KITANG-KITA ang advocacy ng KSMBPI (Kapisanan ng mga Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc) na makatulong sa mga film at media enthusiasts at i-level up ang standard ng film industry sa pagsisimula ng kanilang sariling version ng reality show na tinawang nilang Socmed House: Bahay ni Direk Miah. Kasalukuyan itong napapanood sa Facebook page ng KSMBPI at sa KRTV YouTube channel.
Personal naming natunghayan ang mala-Pinoy Big Brother House na reality show at doon ay nakita namin ang 10 housemates (na per week ay iba-iba) ang titira sa Bahay ni Direk Miah (Jeremiah Palma, ang director) na sumasailalim sa iba’t ibang challenges, workshops, at training.
Ayon sa founding chairman ng KSMBPI na si Dr. Michael Aragon, “Parang workshop na rin nila ito, tinuturuan sila ng mga technique on how to act, kini-criticize sila, pinapag-perform sila and we’re showing it on TV.”
Ang tatanghaling grand winner na ibabase sa online voting ay magbibida sa pelikula na ipo-produce ng organisasyon na sisimulan na agad-agad pagkatapos ng show.
“Pero lahat silang 40 housemates ay kasama sa pelikula. So, parang lahat sila, winner at sa ranking lang sila nagkakaiba,” paliwanag pa ni Doc Aragon.
Idinagdag pa ni Doc Aragon na hindi nila intensyong i-sign up o papirmahin ng kontrata ang mga artist o para i-manage ang mga ito. Ang gusto lamang nila ay i-train ang mga ito for free. At pagdating ng araw ay sila naman ang magbahagi o magturo sa iba. Kumbaga eh, pay it forward.
“This is what advocacy is all about. Conflict of interests sa amin kung isa-sign-up namin sila or i-manage. So, pakakawalan namin sila. We will not sign up anybody. So, kung sino ang manager na gusto silang i-manage, they can do so,” sambit pa ni Doc.
Nainterbyu namin noong isang linggo ang first batch ng housemates at nakita namin kung gaano sila kapursigido sa kanilang gustong marating. Ang sampu ay matagal nang nangangarap maging artista at umaasa silang sa pamamagitan ng Socmed House ay maisasakatuparan nila ang matagal nang pangarap. Hindi man bida, mabigyan sila ng pagkakataong maibahagi ang talento sa pag-arte.
Kasama sa Socmed House sina Roel Carreon (43) freelance talent at bouncer na nagbebenta ng mga air conditioner; Marvin Escueta (34), nagtitinda sa palengke; Clint Kenneth Benamer (31), cosplayer; Kriszle Dela Cruz (35) nagtatrabaho bilang paralegal sa isang law firm; Cristina Campuspos Abaigar (19); at Princess Stephanie Mongit (18) parehong college students; Rachelle Ann Vargas (17), SR high school student; Matthew Gabriel Canilang (19)estudyante ng Letran; Johnson Baronia (26) free-lance talent.
Sa ilang araw na pananatili nila sa Socmed House, kitang-kita na ang excitement sa mga ito dahil sa kanilang haharaping journey sa showbiz kaya naman ganoon na lamang ang kanilang pasasalamat sa KSMBPI sa pagbubukas ng pintuan sa kanila para matupad ang kanilang pangarap.
Sa sampung naunang housemates, may sumunod kaya sa yapak ni Melai Cantiveros o ni Kim Chiu o ni Robi Domingo? Makadiskubre kaya ang KSMBPI ng mga tulad ng aming nabanggit? ‘Yan ang ating aabangan. (MVN)