NAARESTO ng Bulacan PNP ang Top Most Wanted Person sa Regional Level ng PRO4-A, gayundin ang pito pang wanted persons at 22 sugarol sa anti-criminality operations na isinagawa sa lalawigan nitong Lunes, 12 Setyembre.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, OIC ng Bulacan PPO, isinagawa ang manhunt operation ng magkakatuwang na mga tauhan ng San Jose del Monte CPS, 24th SAC, 2 SAB PNP SAF, Nasugbu MPS, Batangas PPO, PRO4A, 2nd PMFC Bulacan PPO, 301st MC RMFB 3, 3rd SOU Maritime Group at PHPT Bulacan na nagresulta sa pagkakadakip ng Top MWP sa Regional Level ng PRO4A na kinilalang si Edmon Bautista, kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Gaya-Gaya, lungsod ng San Jose del Monte.
Dinakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Murder na inilabas ni Presiding Judge Mercedes D. Agdag Lindog ng Nasugbu, Batangas RTC Branch 14.
Gayundin, nasukol ang pito pang kataong wanted sa batas ng trackers teams ng mga police stations ng Bulakan, Guiguinto, Paombong, San Ildefonso, San Jose del Monte, at mga tauhan sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Inaresto ang mga suspek sa mga kasong Unjust Vexation, Estafa, Frustrated Homicide, at paglabag sa BP 22 (Bouncing Check Law) at City Ordinance.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/ station ang lahat ng mga akusado para sa nararapat na disposisyon.
Samantalang, nasakote sa anti-drug bust na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bocaue MPS ang tatlong personalidad sa droga na kinilalang sina James Halili, Rayniel Padilla, at Reymart Vero kung saan nakumpiska sa mula kanila ang anim na pakete ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana, coin purse, at buybust money.
Arestado rin ang 22 sugarol sa serye ng mga anti-illegal gambling operations na ikinasa ng mga operatiba ng mga estasyon ng Marilao, Norzagaray, Pandi, Pulilan, San Miguel at San Jose del Monte.
Hinuli sila sa pagkasangkot sa iba’t ibang illegal gambling activities tulad ng cara y cruz, tong-its, poker, at billiard games na may perang taya.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang sari-saring illegal gambling paraphernalia at perang taya sa iba’t ibang denominasyon.
Nahaharap ngayon sa mga reklamong kriminal ang mga suspek na inihahanda na para isampa sa korte. (MICKA BAUTISTA)