ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
SANGKOT sa malaking laban ng mga gang, pinaghahabol ng mga pulis, at nagtatago sa poder ng isang babae – ganyan ang sitwasyong hinaharap ni Diego Loyzaga sa pelikulang Pabuya na siya ay gumaganap na gang leader na si Pepe. Ito ay ipalalabas sa Vivamax ngayong October.
Si Franki Russel ay si Bella, ang babaeng lalapitan ni Pepe matapos siyang makapatay ng isang pulis na naka-undercover. Si Bella ay malambing at mapagmahal at mayroon silang nakaraan ni Pepe. Dahil dito, panatag ang loob ni Pepe na ligtas siyang kasama ang babae. Magbabago ang lahat nang mag-alok ng pabuya ang mga pulis sa sino mang makapagtuturo kung nasaan si Pepe.
Ito ang unang pelikula ni Franki, na ang previous acting experience ay nang nakapasok siya sa Ang Probinsyano tapos ng paninirahan sa “PBB House” sa Pinoy Big Brother noong 2019. Noong Oktubre 2021, ang half-Pinay, half-New Zealander ang naging kauna-unahang kinatawan ng Filipinas sa first-ever Miss Universe pageant sa United Arab Emirates.
Kaabang-abang ang tambalan nila ni Diego dahil tulad ng kanilang mga karakter, napabalitang naging magkarelasyon din ang dalawa.
Mula sa direksiyon ni Philip Giordano (Pusoy), ang “Pabuya” ay kinabibilangan ng mga aktor na siguradong pamilyar sa mga loyal viewers ng Vivamax. Si Jela Cuenca (Taya, 5in1, Boy Bastos, Palitan, Island of Desire, Silip sa Apoy) ay gumaganap bilang si Maricar, ang maalindog ngunit makasariling ex ni Pepe. Si Felix Roco (‘Wag Mong Agawin ang Akin, Kaliwaan) ay si Jojo, ang leader ng kabilang gang. Si Jiad Arroyo (Doblado, Adan, High on Sex, Kitty K-7) ay si Victor dela Cruz, ang lead detective na may kahina-hinalang motibo.
Mapapanood ang Pabuya sa Vivamax simula October 7, 2022. Mag-subscribe na sa Vivamax sa web.vivamax.net. Maaari ring mai-download ang app at mag-subscribe sa Google Play Store, App Store, at Huawei App Gallery.