SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
UMARANGKADA na kahapon ng tanghali ang ALLTV sa Channel 2 na napanood sina Willie Revillame at Toni Gonzaga. Ito ang handog ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS) sa mga Filipino viewers na nangako ng bagong TV experience sa kanilang soft launch kahapon.
“Aalagaan din namin kayong lahat na nanonood sa amin dahil sisiguraduhin namin na pasasayahin namin kayo mula umaga, tanghali, hapon hanggang gabi, lahat ng hinahanap ninyo andito na sa ating bagong tahanan, sa AllTV,” panimula ni Toni.
“That’s right kompleto na po ang rekado ng buhay nyo umaga, tanghali hanggan gabi. Pero ngayon pa lang magsisimula na ho tayo,” sabi naman ni Willie na nagsimula ang pag-ere nila ng live kahapon ng 12 noon at may special episode sila ng 4:30 p.m., ang Toni Talks ni Toni na nakapanayam niya si PBBM.
Ani Toni, first and exclusive interbyu niya iyon kay PBBM sa Toni Talks na isang espesyal na episode ng kanyang show at itinapat ang pagpapalabas sa mismong kaarawan ni Pangulong BBM. Bale kinunan iyon noong Agosto at kahapon napanood.
Sinabi pa nina Willie at Toni na kapanganakan din kahapon ng ALLTV. “Hindi lang ito ang tahanan ninyo kakatok din kami sa mga tahanan ninyo sa mga araw-araw abangan ninyo ang mga programa,” sambit pa ni Willie na mag-uumpisa ang mga show ngayong araw ng 3:30 p.m. na mapapanood ang mga back to back na teleserye, koreanovela.
Bago ito’y trending na ang teaser ng Toni Talks na ipinakita ang isang babaeng naka-suit ng all white na naglalakad nang nakatalikod habang sinusundan ng kamera paakyat sa Malacañang Palace sabay hinto sa bulwagan. Si direk Paul Soriano ang nagdire niyon.
Two parts ang interbyu ni Toni kay PBBM, ang una ay ang pagtu-tour sa Malacanang Palace at ang pangalawa ay ang sit down interview na no holds barred interview na sasagutin lahat ni PBBM ang lahat ng mga naibigay na katanungan.
Samantala, gaano katotoo na ang pinirmahang kontrata raw ni Toni sa AMBS2 sa ALLTV ay nagkakahalaga ng kalahating bilyon?
“Five hundred million, pang-ilang programa kaya ito? Alam ko dalawa, eh. Baka madadagdagan, ‘di ba?” pagbuking ni Tita Cristy Fermin sa kanyang radio program na Cristy Ferminute noong Lunes sa Radyo 5 92.3 News FM.
Sabi pa ni Tita Cristy hindi na bago sa pandinig ang kalahating bilyong pisong talent fee dahil nauna na si Sharon Cuneta na nakatanggap ng bilyones noong pumirma sa TV5.
Sa kabilang banda, bukod sa exclusive interview ni Toni kay PBBM, namigay din ang ALLTV ng dalawang unit mula Bria at Lumina sa pagbabalik-TV ni Willie at ng kanyang programang Wowowin.
At para sa dagdag na fun at excitement, mayroon ding variety ng extravagant dance shows at song numbers bukod pa ang cash at big prizes na ipinamahagi sa lucky television viewers na ibinigay bawat oras.
“ALLTV is for the Filipino viewers. Gusto natin masaya lahat ng viewers natin. Saya All. We have prepared an exciting and breathtaking show for all of you,” ani AMBS President Maribeth Tolentino. “We have outlined programs that will give the Filipinos a new TV experience.”
Ang AMBS, na nagpapatakbo ng ALLTV, ay nasa ilalim ng Prime Assets Ventures, Inc. na pinamumunuan ng negosyanteng si Manuel Paolo Villar.
Bukod kina Willie, Paul, at Toni, mapapanood din sa ALLTV sina Ciara Sotto at Mariel Rodriguez.
Pumirma rin ang ALLTV ng content license agreement sa CNN Philippines para sa kanilang news content.
Ang ALLTV ay napapanood sa Channel 2 sa free TV at sa Planet Cable; Channel 35 sa Cignal TV at Sky Cable, Channel 32 sa GSAT, Channel 23 sa Cablelink, at Channel 2 sa ibang cable TV providers.