SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
WALANG Ice Seguerra kung walang Eat Bulaga at Okay Ka, Fairy Ko. Ito ang ipinaliwanag ng singer-songwriter at OPM icon dahil ito ang nagsalba sa kanya noong mabawasan ang mga raket niya
Sa pakikipaghuntahan namin kina Ice at dating FDCP (Film Development Council of the Philippines) Chair Liza Dino nang magpa-dinner sila sa SPEEd (Society of Philippine Entertainment Editors, Inc), para sa Becoming Ice: The 35th Anniversary Concert na gaganapin sa October 15, 8:00 p.m. sa The Theater at Solaire, naikuwento ng magaling na singer ang mga pinagdaanan niya sa loob ng 35 taon sa industriya.
Ani Ice, tinatanaw niyang malaking utang na loob ang tiwala at suporta ng kanyang Eat Bulaga family lalo ang producer nitong si Antonio Tuviera at si Vic Sotto, na prodyuser ng Okay Ka, Fairy Ko.
Kuwento ni Ice, hindi siya iniwan at pinabayaan nina Mr. Tuviera at Bossing Vic noong teenaged years niya. Ito ‘yung mga taon na wala na siyang acting projects at iba pang mga karaketan.
“Ito ‘yung (panahong) nagpupumilit akong mag-loveteam para magkaroon ng work. Ang trabaho ko noon, mga piyesta-piyesta. Kumbaga, ang show ko lang noon ay ‘Eat Bulaga’ at ‘Okay Ka, Fairy Ko. So, talagang ang laki rin ng utang na loob ko noon kay Tito Vic, kina Mr. T. kasi they sustained me.
“If it weren’t for these two shows, kasi I have no movies then, alam mo ’yon? Wala akong movie. eh. Siyempre that time, ‘di ko pa alam na ‘ay, magiging singer pala ako.’ Kasi wala naman siya… alam mo ‘yun? Unang-una, ang boses ko, ‘di ko naman alam na magiging singer ako, eh,” sambit pa ng OPM hitmaker.
Naikuwento rin ni Ice ‘yung panahong naging miyembro siya ng isang showband na nagpe-perform sa isang bar sa may Aurora Boulevard. Na halos wala talagang nanonood sa kanila noong unang salang nila. Pero nang tumagal na sila ay napupuno na ang venue.
Ito na ‘yung araw na nakipag-meet sa kanya ang record producer ng hit single niyang Pagdating ng Panahon na si Margot Gallardo kasama ang EP na sina MJ Mozo at Merlie Cipriano (ng Vicor).
Kuwento ni Ice, inalok siya ng mga ito na mag-record ng single na naging isang buong album. Umani ito ng gold at platinum record awards na ang title track ay isinulat nina Edith Gallardo at Moy Ortiz. At doon na nagsimula ang lahat-lahat
Sa kabilang banda, tiniyak ni Ice na napakarami niyang inihandang pasabog sa kanyang major concert tulad ng isang bagong single na ilulunsad niya sa mismong show.
“Sobra akong excited na mag-major solo concert ulet after ten years. Miss na miss ko ang energy, ang emotions, and ang mga tao na nakaka-appreciate sa experience ng isang live event. ‘Becoming Ice’ is very personal to me because this is the first time that I’m going to do a major concert as Ice Seguerra. At masaya ako na maibabahagi ko ang 35-year journey ko sa aking fans,” giit ni Ice.
Si Ice ang direktor ng kanyang comeback concert na ipinrodyus ng kanilang Fire and Ice Media and Productions, Inc. kasama ang Nathan Studios. Si Ivan Lee Espinosa ang musical director.
Mabibili ang tickets sa TicketWorld (P7,200, SSVIP; P6,100, SVIP; P5,000 VIP; P4,650.00, Gold; P3,350, Lower Box; at P2,250, Upper Box).
Ang Meet and Greet Package para sa SSVIP ticketholders ay may eksklusibong meet and greet kasama si Ice, personal selfie at eksklusibong Becoming Ice merchandise item, habang ang SVIP at VIP ticketholders naman ay may eksklusibong merchandise item.