NAGBABALA sa mga Filipino ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Embassy sa Cambodia na huwag tumanggap ng mga alok na online jobs na umano’y may malaking sahod.
Ang nasabing alok na trabaho sa online ay hindi pa nabeberipika ang kompanya at hindi malinaw ang mga detalye ng trabaho.
Pinamamadali ng PH Embassy sa Phnom Penh, sa pakikipag-ugnayan sa Cambodian authorities ang pagliligtas sa 61 overseas Filipino workers (OFWs) noong 2021 at panibagong 50 nitong 8 Setyembre, na ilegal na na-rekrut sa online scamming at catfishing activity sa Cambodia.
Nakipag-ugnayan ang Embahada sa aksiyon ng POEA at OWWA na maging ligtas ang pagbabalik sa bansa ng mga OFW na ilegal na narekrut at biktima ng human trafficking.
Unang nagpalabas ang POEA ng Advisory noong 12 Hulyo 2022 na sinuspende ang proseso ng mga direktang aplikasyon para sa business processing sector sa Cambodia sa pagsisikap na pigilan ang illegal recruitment sa mga Filipino patungo sa nasabing bansa. (GINA GARCIA)