SA KULUNGAN bumagsak ang pangarap ng isang lalaking gustong magbenta ng ‘chocolates’ kahit wala siyang puhunan nang mahuli sa pang-uumit sa isang convenience store sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Nahaharap sa kasong Theft ang suspek na kinilalang si Ronnel Torremonia, 31 anyos, residente sa Dulong Bronze St., Brgy. Tugatog.
Batay sa ulat ni P/Cpl. Renz Marlon Baniqued kay Malabon City police chief, Col. Albert Barot, dakong 5:13 pm nang pumasok ang suspek sa isang convenience store na matatagpuan sa Gov. Pascual Ave., Brgy., Tinajeros.
Kumuha ang suspek ng limang pirasong Toblerone chocolate bar na nasa P735 ang halaga at 15 pirasong Cadbury dairy milk chocolate bar na nasa P2,370 ang halaga ngunit hindi nagbayad.
Nakita ni Carolina Lacebal, 40 anyos, shift supervisor ang kahina-hinalang kilos ni Torremonia.
Nang lumabas ang suspek, hinabol siya ni Lacebal hanggang makorner sa labas at agad humingi ng tulong sa mga tauhan ng Sub-Station 2 na nagresulta sa pagkakaaresto kay Torremonia, hanggang mabawi ang mga chocolate.
Sising-sisi man ay walang magawa si Torremonia dahil kulungan ang kinahantungan ng paghahangad niyang magbenta ng chocolates kahit wala siyang puhunan. (ROMMEL SALES)