HARD TALK
ni Pilar Mateo
PALABAN ang unang batch na binisita namin sa kanilang locked-in set for their workshop among other things sa ilalim ng award winning director na si Jeremiah Palad.
Tama ang sinabi ng may pakana ng lahat sa kanyang adbokasiya na si Dr Michael Aragon. Na magbigay ng libreng workshop para sa mga tatanghaling bagong mga alagad ng sining ng kanilang panahon.
Na sa kalaunan, ang nais namang mangyari ni Doc Aragon ay maibalik naman nila sa industriya ang pagbabahagi ng kanilang magiging kaalaman sa mga pelikula, TV man o anupang serye.
Mukha namang magagaling at palaban nga sa nais nilang maabot ang siyam na hopefuls na aming nakausap sa SocMed House ni Direk Miah (Jeremiah Palad).
Iba’t iba sila ng mga karakter. Iba’t ibang edad. Iba’t ibang background.
May Kuya na ang business ay magbenta ng airconditioning units. Mayroong nasa realty. May kumakanta. Sumasayaw. Umaarte. May mataas. May maliit. May nagtitinda ng isda sa talipapa. May nagko-cosplay.
Mas ginusto namin silang makita at makaharap na raw. Walang make-up. Simple ang mga bihis. At ang tanging tangan lang ay ang kanilang talento at laman ng mga puso at kaisipan.
Kaya masayang-masaya si Doc Aragon. Dahil alam niyang hindi siya mapapahiya sa kanyang layuning magpakilala ng mga bagong talents. Na hindi lang cetificates na nag-graduate sila sa libreng workshop.
Kundi sila na ang mga aarte sa gagawing mga proyekto nina Direk Miah at Doc Aragon na pwedeng isali sa mga film festival here and abroad. At pagbibigay daan na rin sa iba pang indie filmmakers na ang mga graduate na sa workshops ang magsisisalang.
Isa na ngang reality show ang masasaksihan sa socmed show na ito. At handa ang lahat sa mga kakaharapin nila sa mga sasalubunging mga komento-bashing man o kritisismo.
Handa na ba kayong makilala sila?
Abangan na rin ang Jazz Clean Air Band na matutunghayan sa programang masusubaybayan sa KSMBP Onlineon DWBL 1242 KHZ AM radio and YouTube.
At ang pinaka-masaya ay ang laging kaabang-abang na Showbiz Kapihan!