NAGBIGAY ang pamahalaang lungsod ng Navotas ng cash incentives sa mga mag-aaral ng Navotas Polytechnic College (NPC) na nagtapos ngayong taon.
Umabot sa 505 NPC graduates para sa academic sa taong 2021-2022 ang nakatanggap ng P1,500 bawat isa.
“Sa lalong madaling panahon, karamihan sa inyo ay sasali sa libo-libong bagong graduates na naghahanap ng trabaho. Sana ay makuha n’yo ang mga trabahong pinangarap at umunlad sa inyong napiling karera,” pahayag ni Mayor John Rey Tiangco.
Pinaalalahanan ni Tiangco ang mga nagsipagtapos na may mga programa ang lungsod kung magpasya silang magtayo ng sariling negosyo o matuto ng technical-vocational skills.
“Maaaring tumulong sa inyo ang ating NavotaAs Hanapbuhay Center kung kailangan n’yo ng puhunan para sa inyong negosyo. Sa kabilang banda, ang ating NAVOTAAS Institute ay nag-aalok ng mga libreng kursong tech-voc upang matulungan kayong bumuo ng mga in-demand na kasanayan sa iba’t ibang industriya,” aniya.
Samantala, binati ni Cong. Toby Tiangco ang mga NPC graduates at pinaalalahanan na tuloy-tuloy na matuto ng iba-ibang kaalaman at kasanayan dahil magbubukas ito ng mas maraming oportunidad sa kanila.
Nagsimula ang Navotas magbigay ng cash incentives para sa mga nagtapos sa pampublikong paaralan ng lungsod mula noong 2019 sa bisa ng City Ordinance 2019-03.
Bukod sa NPC graduates, nakatanggap din ang elementary at senior high school completers ng P500 at P1,000, ayon sa pagkakasunod. (ROMMEL SALES)