MALUBHANG nasugatan ang 54-anyos lalaki na sinasabing ‘bully’ sa mga kapitbahay makaraang tadtarin ng saksak ng icepick ng kalugar sa Cubao, Quezon City, Linggo ng madaling araw.
Ang biktima ay kinilalang si Roberto Questa Oribiana, 54, walang asawa, at residente sa Bonny Serrano Ave., Brgy. Bagong Lipunan ng Crame, Cubao, Quezon City.
Nakatakas ang suspek na si Mignard Agcaoili Balderama, 33, binata, walang trabaho, at nakatira sa No. 303 (Barrio Pag-ibig) Bonny Serrano Ave., Brgy. Bagong Lipunan ng Crame, Cubao.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD), Cubao Police Station (PS-7), bandang 2:05 ng madaling araw kahapon, 11 Setyembre, nang maganap ang insidente sa harapan ng tahanan ng biktima sa nasabing barangay.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/SSgt. Oliver Bocade ng PS-7, ang biktima ay numero unong mapang-bully sa kanilang barangay kaya marami sa mga kapitbahay ang naiinis sa kaniya.
Lango sa alak si Oribiano nang masalubong nito si Balderama at hinarang saka pinagsabihan ng masasakit na salita pero iniwasan na lamang umano ito ng suspek.
Dahil dito, nagalit ang biktima at tinangkang saktan ang suspek pero mabilis na nakatakbo ngunit hinabol pa rin siya ni Oribiano.
Nang maabutan, nagpambuno ang biktima at suspek hanggang magpagulong-gulong sa kalsada.
Nakadampot ang suspek ng kahoy at pinalo sa ulo si Oribiano at nang hindi makontento, binunot ang dalang icepick saka tinadtad ng saksak sa katawan ang biktima.
Agad na isinugod sa Quirino Memorial Medical Center ang biktima na patuloy pang inoobserbahan.
Patuloy na tinutugis ang nakatakas na suspek na nahaharap sa kasong frustrated homicide. (ALMAR DANGUILAN)