ARESTADO ang may kabuuang 130 indibidwal sa isinagawang one-time big time operation laban sa mga ilegal na sugalan ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan nitong Martes, 6 Setyembre.
Sa ulat kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PNP, isingawa ang serye ng mga anti-illegal gambling operations ng mga tauhan ng mga police stations at Provincial Mobile Force Company (PMFC) ng Bulacan PPO na nagresulta sa pagkaaresto ng 130 suspek.
Dinakip ang 30 sa kanila sa mga illegal card games, 25 para sa billiard games, 20 para sa cara y cruz, 10 para sa mah-jong, siyam sa number games, pito ang dinakip sa peryahan, tatlo sa tupada, at 26 iba pa para sa ibang uri ng sugal tulad ng poker, color game, bingo, online sabong, at drop ball.
Nakompiska ang sari-saring gambling paraphernalia at perang taya sa iba’t ibang denominasyon mula sa mga suspek na nahaharap sa reklamong kriminal na isasampa sa korte.
Pahayag ni P/Col. Cabradilla, ang pagsisikap ng Bulacan police sa mahigpit na kampanya laban sa lahat ng uri ng kriminalidad ay kaugnay sa direktiba mula kay PNP Region 3 Director P/BGen. Cesar Pasiwen. (MICKA BAUTISTA)