SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
SA 35 taon ni Ice Seguerra sa entertainment industry, marami na siyang napagdaanan, marami na ring achievements. Maging sa personal na buhay niya marami na rin ang nangyari.
Sa 35th anniversary ni Ice sa showbiz, babalikan niya ang mga ito sa pamamagitan ng Becoming Ice: The 35th Anniversary Concert produced by Fire And Ice Media and Productions sa pakikipagtulungan ng Nathan Studios.
“The last major concert I had was 25 years ago. For the 30th year, I missed doing a show. Nasa Marawi ako that time. So pinag-usapan namin ni Liza (Dino, his wife) na we have to do something for my anniversary in showbiz.
“Nagsimula ako as a beauty queen, then acting, now I’m a singer. There’s another journey for me as a director din. This is something I really want to celebrate,” ani Ice sa isang panayam.
Sinabi pa ng singer-songwriter na, “After the pandemic, I realized that milestones should be celebrated. You’ll never know about the next chance. Basically, the concert is about my life, not just my career.
“Sa personal life ko ang dami ring ganap, as an LGBTQ person, marami rin akong naging milestones. It’s not just a showcase of hits, but I also want to sing songs that tell stories.”
Ilan sa magiging special guests niya sa kanyang anniversary sa concert ay sina Bossing Vic Sotto, Martin Nievera, at Juris na kasama niya noon sa ASAP Sessionistas.
“Hind kompleto ang kuwento ng buhay ko kung wala si Tito Vic. Hindi lang siya naging tatay ko sa ‘Eat Bulaga’ eh kundi pati na rin sa ‘Okay Ka, Fairy Ko.’
“He’s been there, naging ninong ko siya sa kasal. Isa siya sa mga nagturo sa aking maggitara. Ang dami naming moments sa buhay,” pagbabahagi pa ni Ice.
“Si Martin Nievera ay isa sa mga kumupkop sa aking when I was younger, noong silang dalawa pa ni Pops (Fernandez). Parang anak nila ako like I would go to their house,” kuwento pa ni Ice patungkol sa Concert King.
“Isa si Juris sa mga naging milestone ko, how I became a producer. Siya ang reason kaya nag-jumpstart ako na mag-produce ng albums.
Idinagdag pa ni Ice na,“During the concert, we will show how I became now. Yes, there will be visuals. So that’s how we got the title ‘Becoming Ice.’ I was able to get footage from ‘Eat Bulaga,’ M-Zet,” aniya pa.
Sa kabilang banda, naaaliw si Ice kapag nakikita niya ang mga litrato niya noong bata pa siya, lalo na ang mga kuha niya noon sa longest-running noontime program sa bansa, ang Eat Bulaga.
“Natatawa ako. Ako ba ito? I was so happy with the people around me. The ‘Eat Bulaga’ people, ‘Okay Ka’ people. They did not treat me na artista. Growing up in this industry, you will be surrounded by yes men.
“Marami silang naituro na magagandang values sa akin. I really enjoy watching my younger self. Pero ang layo na. Oh my God! Ganito pala ako noon. Until now ‘pag nakikita ko ‘yung mga photo, natutuwa ako.
“Pati na rin ‘yung mga write up sa akin. Ang galing ng mommy ko magtago. Wala akong ganoong talent,” ani Ice.
“When I was younger I enjoyed playing with older people. Siyempre ang older people sa akin ‘yung mga staff. ‘Pag may taping dala ko lahat ng laruan ko, gamit ko.
“Na-realize ko na lang ‘yun na I was earning money for the family noong mga teenager na ako. Naalala ko noon naiyak ako kasi nasa mamahaling school ako nag-aaral.
“Sometimes you can’t help but compare pero I realized na I came from humble beginnings. My parents, they just worked hard. My mom did everything para mapalaki ako ng ganito,” sabi pa ni Ice.
Sa mga nagkukompara naman sa kanya at kay Ryzza Mae Dizon at Baeby Baste ito ang sinabi niya, “I’m sure inalagaan din sila ng ‘Eat Bulaga.’ I love how my mom trained me into singing, and dancing. Acting hindi masyado.
“My mom believes that if you’re into this industry, you have to know these things. Sa mga parent, siguro bukod pa pagiging cute, mayroon din tayong maibubuga or talent na maibibigay.
“This is work. This is a job. You should know that you’re working with professional actors and you have to value your time. Sa magulang, hindi porke kumikita ang mga anak ninyo, boss sila.
“That’s the worst thing that you can do. It’s up to you parents to keep them grounded. I swear hindi ninyo magugustuhan ang mangyayari kapag hinayaan ninyo ‘yan,” pahayag pa ni Ice.
Ang Becoming Ice: The 35th Anniversary Concert ay mapapanood na sa Oct. 15 sa Theater Solaire, produced by Fire And Ice Media and Productions in cooperation with Nathan Studios. Si Ice rin ang stage director ng kanyang show habang si Ivan Lee Espino ang magiging musical director. Available na ang tickets sa TicketWorld.