DINAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaki sa lungsod ng San Jose del Monte, lalawigan ng Bulacan matapos magpakilalang staff sa Office of the Vice President at nagtangkang mag-solicit ng pera sa alkalde nitong Martes ng hapon, 6 Setyembre.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Cresenciano Cordero, hepe ng San Jose del Monte CPS, kinilala ang suspek na si Joel Calis, alyas John Carlos Lo, at JC Lo, 41 anyos, nagpakilalang vice president ng RNA Foundation Philippines, Inc., at kasalukuyang nakatira sa 24 K1 General Tirona St., Brgy 138, Caloocan.
Nag-ugat ang pag-aresto sa suspek kaugnay sa reklamo mula sa tanggapan ni City Mayor Arthur Robes na isang Joel Calis ang nagpakilalang staff sa Office of the Vice President at nagso-solicit ng financial assistance ng mga benepisaryo sa Region 3 Projects para Senior Citizens, PWD, at Solo Parents.
Ito ang nag-udyok sa mga tauhan ng City Mayor’s Office upang iberipika ang pagkakakilanlan ni Joel Calis na nagkaroon ng negatibong resulta at walang datos mula sa Office of the Vice President.
Tinawag ni congresswoman Florida Robes ang atensiyon ni P/Lt. Col. Cordero na agad umaksiyon at kasama ang mga police operatives ay nagpunta sa Sitio Gulod, Road 2, Brgy. Minuyan, sa naturang lungsod.
Dito nila nakorner ang suspek na noon ay kasalukuyang nagpapamudmod ng application forms na may logo ng DSWD na aniya ay para sa mga benepisaryo ng ayuda ng kagawaran.
Nang arestohin ang suspek, makikita ang tatak ng logo sa kanyang polo shirt na Office of the President of the Republic of the Philippines ngunit nabigo siyang magpakita ng anomang pagkakakilanlan na siya ay konektado rito.
Nasa kustodiya ng San Jose del Monte CPS ang suspek na nahaharap sa kasong Usurpation of Authority and other forms of deceit (budol-budol). (MICKA BAUTISTA)