INATASAN ni Gob. Daniel Fernando ang Provincial Engineering Office na dagdagan ang pondo sa paghuhukay ng mga ilog at creek sa mga bahaing lugar sa Bulacan tulad ng bayan ng Hagonoy at lungsod ng Malolos.
Sinuyo din ng gobernador ang mga pribadong kontraktor upang makahiram ng karagdagang backhoe at iba pang mga equipment upang mapabilis ang paghuhukay.
Ani Fernando, ang ilan pang bayan sa lalawigan ay isusunod nilang ipahukay ang mga ilog na aniya ay temporary solution lamang dahil ang kailangang magawa ay dike, flood gates, at pagtaas ng river wall.
Hiniling din niya ang tulong ng mga alkalde sa bawat bayan sa proyektong ito na makatutulong upang maibsan ang pagbaha sa ilang lugar sa lalawigan lalo kapag sumasapit ang panahon ng tag-ulan.
Habang naghihintay ng malaking solusyon sa pagbaha tulad ng dike ay kailangan hukayin muna ang mga ilog at linisin na kanilang isinagawa nitong Sabado, 3 Setyembre. Hindi man 100% na maibsan ang pagbaha ay maaaring nasa 60% na makababawas ng pagtaas ng tubig sa mga kalsada hanggang sa mga kabahayan. (MICKA BAUTISTA)