SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
TYPE ng baguhan pero award winning director na si Jeremiah Palma na maidirehe ang reyna ng Vivamax, si AJ Raval. Pero hindi bold movie.
Ito ang iginiit ni direk Palma nang makahuntahan namin siya sa Showbiz Kapihan ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas Inc. (KSMBPI) ni Dr Michael Aragon.
“GUSTO kong midirehe si AJ Raval sa isang suspense-thriller na pelikula!” giit ni Palma na nanalo ng dalawang major award sa dalawang international film festival sa India.
Siya ang itinanghal na Best Director sa Roshani International Film Festival na pinangunahan ng Film Education and Welfare Foundation sa Aurangabad, India at sa Venus International Film Festival 2022 para sa horror movie niyang Umbra.
Pagbabahagi ni Jeremiah kung ilang libong direktor ang nakalaban niya mula sa iba’t ibang bansa kaya naman hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala.
“Hindi naman namin inaasahan na magkakaroon ng ganitong awards ang ‘Umbra’ kasi low budget lang talaga siya, eh.
“Ang concept namin sa film na ‘to, ginawa namin siyang trilogy. Every part ng story, may end na siya. Pero ‘yung third story, that’s the revelation of the whole thing. Doon nila malalaman na ‘yung Part 1 and Part 2 ay naroon sa Part 3 ng story,” sambit pa ni Jeremiah.
Samantala, may mga nakalinya pang pelikula na gagawin ngayong taon si Direk Palma bilang bahagi pa rin ng KSMBPI Film Division. At dito niya nabanggit na gusto niyang makatrabaho si AJ Raval.
Aniya, may naisip na siyang tema at konsepto ng pelikula na tiyaj babagay kay AJ. Ito nga iyong suspense-thriller na may halong aksyon.
Giit ni Direk Palma, hindi niya kayang gumawa ng sobrang sexy film dahil gusto niyang protektahan ang kanyang pamilya at anak.
Sinabi naman Dr. Aragon, founding chairman ng KSMBPI, napakarami nilang plano para sa kanilang film division at target nilang makagawa ng pelikula buwan-buwan.
Kasado na rin ang kanilang first reality show na mala-Pinoy Big Brother ang konsepto, ito ay ang Socmed Housena mapapanood na sa Miyerkoles sa kanilang YouTube channel (KRTV) at official Facebook page na may 10 miyembro ng KSMBPI ang magtatagisan ng kakayahan sa iba’t ibang challenge.