MATAGAL na muling magiging malaya ang isang e-trike driver na wanted sa kasong attempted murder matapos masakote ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Lt. Col. Rommel Labalan, hepe ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) ang naarestong suspek na si Ronald Bautista, alyas Onad, 39 anyos, residente sa Malaya St., Brgy. 28, ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Labalan kay NPD acting Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones Jr.,nakatanggap ang mga operatiba ng DSOU ng impormasyon na naispatan ang akusado sa Maypajo, Brgy. 35, Caloocan City kaya nagsagawa ng validation sa naturang lugar.
Nang magpositibo ang ulat, bumuo ng team ang DSOU sa pangunguna ni P/Capt. Melito Pabon, kasama ang CIDG-DSOU, 9th MFC RMFB, NCRPO, at RIU NCR- SDIT saka nagsagawa ng joint intelligence driven operation in relation to S.A.F.E NCRPO na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong 9:20 pm sa San Mateo St., Maypajo, Brgy. 35.
Ayon kay P/Cpl. Mark Jhovie Sales, si Bautista ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong 9 Nobyembre 2006 ni Presiding Judge Eleanor R. Kwong ng Regional Trial Court (RTC) Branch 128, Caloocan City sa kasong Attempted Murder, rekomendado ng piyansang P120,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan. (ROMMEL SALES)