APAT katao ang nalambat ng pulisya na hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang babae sa magkahiwalay na buy bust operation sa Navotas City.
Ayon kay Navotas City police chief, Col. Dexter Ollaging, dakong 12:10 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Luis Rufo, Jr., ng buy bust operation sa Paltok St., Brgy. Daanghari.
Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksiyon ng P500 halaga ng shabu sa kanilang target na si Gregorio Rico, alyas Gorio, 50 anyos, nakalistang pusher.
Nang tanggapin ni Rico ang marked money mula sa police poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu, agad siyang dinamba ng mga operatiba, kasama si Renante Reyes, alyas Nante, 47 anyos, (user/listed) na nakuhaaan din ng isang sachet ng hinihinalang shabu.
Nakompiska sa mga suspek ang halos 11 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P74,800, marked money at P500 recovered money.
Dakong 1:35 am nang maaresto rin ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Rosal St., Brgy. San Roque sina Joven Condeno, alyas Bicol, 43 anyos, (pusher/listed), at Melani Dela Cruz, alyas Lani, 43 anyos, matapos bentahan ng P300 halaga ng shabu ang isang pulis na umakto bilang poseur buyer.
Narekober sa mga suspek ang nasa 9.5 grams ng hinihinalang shabu, may standard drug price P64,600, marked money, at P700 recovered money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Acts of 2002. (ROMMEL SALES)