NADAKIP ng mga tauhan ng Bulacan PPO, agad nadakip nitong Linggo, 28 Agosto, ang apat na sangkot sa pamamaslang sa may-ari ng isang fish pond sa bayan ng San Miguel, lalawigan ng Bulacan.
Kinilala ni acting BulPPO Provincial Director P/Col. Charlie Cabradilla, ang mga suspek na sina Maricel Beltran, asawa ng biktima at mastermind; Benjie Garcia at Romie de Guzman, itinurong mga inupahang pumatay; at Anthony Velasquez, anak-anakan ng biktimang si Ryan Beltran, 39 anyos, negosyante at fish pond owner sa Brgy. Maligaya, sa nabanggit na bayan.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumitaw na dakong 11:00 pm noong Sabado, 27 Agosto, sinabi ng asawa ng biktima, habang sila ay nasa kanilang rest house sa naturang lugar, nagtungo siya sa banyo at iniwan ang kanyang natutulog na asawa.
Bumalik siya nang makarinig ng putok ng baril hanggang natagpuan niya ang kanyang mister na duguan kaya isinugod nila sa ospital sa Gapan, Nueva Ecija, ngunit idineklarang patay si Beltran.
Inaresto kamakalawa ang mga nabanggit na suspek sa follow-up operation na ikinasa ng magkasanib na mga operatiba ng San Miguel at San Ildefonso MPS katuwang ang Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) matapos ‘lumutang’ na sila ang nasa likod ng krimen.
Hinuli si Maricel, asawa ng biktima, at kanilang anak-anakang si Anthony,, base sa sinumpaang salaysay (extra-judicial confession) at text messages sa pamamagitan ng kanilang cellphones.
Gayondin, nasukol ang mga suspek na sina De Guzman sa Brgy. Kalawakan, Dona Remedios Trinidad kung saan nakompiska sa kanya ang kalibre .45 baril at hand grenade; at si Garcia sa Brgy. Pulong Bayabas, San Miguel, na nakompiskahan ng isang kalibre. 38 baril.
Ayon kay P/Col. Cabradilla, ang mabilis na reaksiyon at tugmang pagsisikap sa isinagawang operasyon ng operational teams ng Bulacan PNP ang dahilan ng mabilis na pagkakaresolba ng kaso at paglalagay ng mga kriminal sa likod ng rehas na bakal. (MICKA BAUTISTA)