SINALAKAY at binaklas ng mga awtoridad ang isang barong-barong na ginawang batakan kasunod ng pag-aresto sa anim na indibidwal sa isinagawang buy bust operation sa lungsod ng San Jose del Monte, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo, 28 Agosto.
Sa ulat mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Rogelio Estrada, 39 anyos, drug den maintainer; Marilou Morales, 48 anyos; Ruel Batister, 26 anyos; Leo Tondag, 29 anyos; Victor Perez, 44 anyos; at Roldan Campos, 38 anyos, pawang residente sa Towerville, Brgy. Minuyan Proper, sa nabanggit na lungsod.
Nabulaga ang mga suspek kaya hindi nagawang manlaban sa pagsalakay ng magkasanib na mga operatiba ng PDEA Bulacan, PDEA Region 1 at mga tauhan ng Bulacan PPO.
Narekober sa operasyon ang limang selyadong pakete ng plastik na naglalaman ng 15 gramo ng shabu, tinatayang nagkakahalaga ng P103,500; sari-saring drug paraphernalia; at buy bust money.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa sa korte laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)