SA KATATAPOS na ika-walong regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Laguna ay pinagkaisahang aprobahan ang isinulong na dalawang (2) mahalagang resolusyon ng kasalukuyang League of Vice Governors of the Philippines National President at Laguna Vice Gov. Atty Karen Agapay.
Ang unang Resolution No. 778 series of 2022 ay ang paghiling sa Professional Regulation Commission (PRC) na magbukas ng isang PRC Service Center sa Bayan ng Sta. Cruz, Laguna na kabisera ng lalawigan. Partikular ay sa Metro Central Mall, Sta. Cruz na nakalaang magkaloob ng libreng espasyo upang pagtayuan ng hiniling na PRC Service Center.
Ang ikalawang Resolution No.779 series of 2022 ay ang kahilingan kay Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr., sa pamamagitan ng Tanggapan ng Professional Regulation Commission (PRC) ng pagpapalawig ng ginagamit na lisensiyang pang-propesyonal (PRC License) mula sa dating tatlong (3) taon ay gagawin itong limang (5) taon.
Makikinabang dito ang nasa 41.3 milyong Filipino na kabilang sa sektor propesyonal sa bansa na may hawak na PRC License lalo’t higit ay yaong hindi naging pabaya sa kanilang mga tungkulin o hindi nasangkot sa kahit anong katiwalian.
Ayon kay Vice Gov. Agapay, “Ito ay bilang isang pagpapahalaga sa kanilang mga ginagawa. Kung wala naman silang ginagawang malpractice o nasangkot sa kung anomang anomalya, bakit hindi natin i-extend ang kanilang license from three years ay gagawin nating five years? Kasi, ganoon din po ang naging concept kung bakit hinabaan ‘yung sa ating drivers ng LTO at sa atin pong passport.”