NAKUMPISKA ang tinatayang P437,000 halaga ng ilegal na droga sa ikalawang araw na Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan habang arestado ang 50 katao nitong Martes, 23 Agosto.
Sa ulat nitong Miyerkoles, 24 Agosto, ni P/Col. Charlie Cabradilla, acting Provincial Director ng Bulacan PPO, nadakip ang 32 suspek na sangkot sa ilegal na droga sa serye ng mga anti-illegal drug busts na ikinasa ng iba’t ibang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng mga estasyon sa lalawigan.
Nasamsam mula sa mga suspek ang may 81 pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 43.37 gramo at kabuuang halaga na P294,916.
Gayundin, nasamsam ang may 1,008.87 gramo ng tuyong dahon ng marijuana na tinatayang ang nagkakahalaga ng P142,317.20.
Samantala, nasukol ng tracker teams ng Bulacan PPO ang may 12 wanted persons sa sa bisa ng mga warrant of arrest sa isinagawang manhunt operations. (MICKA BAUTISTA)