BUMUO ng sisterhood pact ang pamahalaang lungsod ng Valenzuela at munisipalidad ng Cortes, Surigao del Sur para patatagin ang alyansa ng dalawang lungsod sa pamamagitan ng isang sisterhood agreement na nilagdaan ni Mayor Wes Gatchalian at Mayor Josie Bonifacio. M.D.
Nakapaloob ang sisterhood agreement sa isang resolusyon na inaprobahan ng Konseho ng Lungsod ng Valenzuela. Ang Resolution No. 1507, Series of 2019, ay Nagsasaad ng Interes ng Lungsod ng Valenzuela na Magtatag ng Sisterhood/Twinning Relationship Agreement sa Munisipalidad ng Cortes, Lalawigan ng Surigao del Sur.
Layunin ng sisterhood agreement na itaguyod at pahusayin ang pagkakaunawaan ng isa’t isa, at pagyamanin ang makabuluhang pagpapalitan ng teknikal at pagtutulungan para sa sustainable development, trade and investment, tourism, information technology, human development, ganoon din sa kultura at sining.
“We are very much honored na maging sister city natin ang Municipality of Cortes, at Mayor (Bonifacio), makaaasa kayo na mayroon kayong big brother dito sa Valenzuela. We will keep a good relationship throughout the years,” pahayag na pasasalamat ni Mayor Wes sa mga opisyal ng munisipalidad ng Cortes.
Samantala, ipinaabot ni Municipal Mayor Josie Bonifacio M.D. ang kanyang taos-pusong mensahe sa mga opisyal ng Lungsod ng Valenzuela, “My heartfelt gratitude to Mayor Wes for his support. Looking forward to have all of you in our municipality in the near future,” aniya.
Ayon kay Mayor Bonifacio, ang panukalang sisterhood signing ay unang naka-iskedyul noong Abril 2020 ngunit naharang aniya ng pandemya.
Dumalo sa sisterhood signing sina Vice Mayor Lorie Natividad-Borja at mga konsehal mula sa una at ikalawang distrito ng lungsod Cris Feliciano-Tan, Atty. Bimbo dela Cruz, Ricarr Enriquez, Ghogo Deato Lee, Ramon Encarnacion, Gerald Galang, Niña Lopez, Chiqui Carreon, Mickey Pineda, Louie Nolasco, at Sel Sabino-Sy.
Ang Bayan ng Cortes, Lalawigan ng Surigao del Sur ay ang ika-74 Sister Municipality ng Valenzuela. (ROMMEL SALES)