SINALAKAY at binaklas ng mga awtoridad ang isa pang drug den habang naaresto ang tatlong hinihinalang tulak sa ikinasang operasyon sa Subic, Zambales nitong Lunes ng madaling araw, 22 Agosto.
Ayon sa ulat, naisakatuparan ng operating teams ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Zambales ang operasyon dakong 2:30 am sa Sitio Matangib, Brgy. Cawag, sa nabanggit na bayan.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Arlene Bengero, 33 anyos, drug den maintainer; Cirilo Luato, 34 anyos, kapwa mga residente sa naturang barangay; at Marife Mihani, 33 anyos, residente sa Purok 6 6B, Brgy. Calapacuan, parehong sa Subic.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang anim na piraso ng selyadong pakete ng plastik na naglalaman ng hinihinalang shabu, may timbang na 13 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P89,700; sari-saring drug paraphernalia; at marked money na ginamit sa operasyon.
Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)