AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
INAASAHAN kapag ipinagdiriwang ang founding anniversary ng isang kompanya o ahensiya ng pamahalaan, ang magiging sentro o tema ng selebrasyon ay ilalahad ang lahat ng matagumpay na programa ng ahensiya.
Bagaman, masasabing okey lang naman lalo na kapag totoo ang mga ibabahagi sa mga bisitang lalahok bukod sa makabuluhan din malaman ng nakararami ang mga nagawang programa ng isang ahensiya.
Nitong Lunes, Agosto 22, 2022, ipinagdiwang ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang ika-31 anibersaryo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at ginanap ito sa paboritong nilang venue sa San Mateo, Rizal – sa Ciudad Christia resort.
Siyempre, ang speaker at guest of honor ay walang iba kung hindi si Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. Dumalo rin sa okasyon si Undersecretary for Public safety Serafin Barretto, Jr. Ang BJMP ay nasa ilalim ng DILG.
Sa okasyon, imbes iyabang ng pamunuan ng BJMP ang kanilang mga nagawa para sa persons deprived of liberty (PDLs) nitong nakalipas na taon, para sa kapakanan pa rin ng mga kababayan natin PDLs na nasa iba’t ibang piitan ng BJMP ang puntirya ng selebrasyon.
Kung baga, hindi naging makasarili ang pamunuan ng BJMP o ang DILG at sa halip, prayoridad pa rin nila ang kalagayan ng PDLs na nagsisiksikan sa mga piitan lalo na noong pinatindi ang kampanya laban sa droga ng nagdaang administrasyong Duterte.
Hindi naman siguro lingid sa inyong kaalaman ang problema sa mga piitan – ang sobrang kasikipan. Ang sabi nga e, mahihiya ang sardinas sa kalagayan ng mga nasa piitan.
Hindi lang dekada ang problemang ito kung hindi umaabot na yata sa tatlong dekada. Halos tatlong dekada na ako sa pagsusulat at nakagisnan ko na ang problema sa piitan lalo sa Quezon City Jail.
Siksikan, nagkakahawaan na sa sakit ang mga bilanggo at salitang natutulog dahil nga over populated na ang mga piitan.
Tulad ng naunang nabanggit, sa okasyon ay para sa kapakanan pa rin ng mga bilanggo ang tila lumalabas na tema ng okasyon dahil solusyon pa rin sa sobrang kasikipan ng mga piitan ang nais na solusyonan ng Kalihim.
Solusyon? Tama iyan ang pinagsisikapan ayusin ni Abalos at katunayan ay mayroon na siyang masasabing good news para sa deka-dekadang problema.
Ayon kay Abalos, marami ng lokal na pamahalaan “local government units” o LGUs ang nangakong suportahan ang programa ng DILG o ng BJMP para sa solusyon ng kasikipan ng mga bilangguan. Nangako at nakatuon sa pagpapahiram ng lugar o lote sa kanilang nasasakupan na maaaring pagtayuan ng BJMP ng detention facilities bilang pagtulong sa paglutas na matagal nang problema ng BJMP para sa PDLs.
Sa pamamagitan nga naman ng pagpapatayo ng bagong detention facilities e, malalagay na sa magandang sitwasyon ang mga inmate – iyong bang parang ayaw na nilang lumabas at sa kulungan na lamang tumira hanggang sa pagtanda. He he he…kuha n’yo naman siguro kung ano ang ibig kong sabihin.
Dagdag ni DILG chief, kaya nasa prayoridad niya ang pagtatayo pa ng mga karagdagang kulungan para sa kalusugan ng PDLs. Batid naman natin na sa sobrang kasikipan ng mga piitan ay nagkakahawaan na ng iba’t ibang sakit ang mga preso, sakit na tulad ng TB, pigsa, at iba’t ibang uri ng sakit.
“Siguro ang pinakamaganda rito ay instead of mag-donate (ng lots) ang mga LGUs, naisip ko ay mag-usufruct na lang, ipahiram na lang sa atin, for example kung minsan ang City Hall kung mag-donate ay hindi na sila ang may-ari, so maapektohan ang kanilang financial capacity,” pahayag ni Abalos.
Sa kabila ng malaking halaga ang kailangan sa pagpapagawa ng mga detention facilities, anang Kalihim, ang bigyan prayoridad pa nito na tatayuan ng bagong detention facilities ay ang mga kulungan na talagang hindi na matatawaran ang kasikipan katulad ng piitan sa San Mateo, Rizal kung saan mayroon pang schedule ang mga preso sa pagtulog. Nagsasalitan sila sa pagtulog.
“Matutulog lang naka-schedule pa,” banggit ni Abalos.
Habang pinaplano ang solusyon sa kasikipan ng mga piitan, pakiusap ni Abalos sa pamunuan ng BJMP sa ilalim ni Director Allan Iral na gawin muna ang lahat ng kanilang makakaya para mabawasan kahit paano ang nararanasang kahirapan ng mga PDL. Ipinangako naman ni Iral na gagawin ng BJMP ang lahat ng kanilang makakaya habang hinihintay ang lahat.
“It is our comprehensive transformation strategy that will be our vehicle in attaining our vision of becoming a world-class agency, highly capable of providing humane safekeeping and developmental opportunities for persons deprived of liberty”| dagdag ni Iral.
Kaugnay sa kampanya laban sa illegal drugs, sinabi ni Iral, hindi titigil ang ahensiya at hindi magpapatalo at magpapadala sa kahit anong pananakot mula sa sindikato ang pamunuan ng BJMP.
“Hindi kami titigil, hindi kami mapapagod, hindi tayo magpapatinag… sama-sama po kaming magkakapitbisig… na tiyakin ang kaayusan, kaligtasan, at kahusayan ng pamamahala sa ating mga piitan,” pahayag ni Iral.
Iyan ang DILG at BJMP, sa kabila na ipagmalaki ang kanilang mga matagumpay na trabaho sa selebrasyon ng kanilang ika-31 anibersaryo, kapakanan pa rin ng PDLs ang kanilang prayoriad. Kung baga, hindi makasarili ang ahensiya.