DERETSO sa selda makaraang madakip ang 17 kataong pawang mga lumabag ng batas sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan nitong Linggo, 21 Agosto.
Ayon kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, unang dinampot ang apat na suspek na kinilalang sina Jerby Lumabas, alyas Miyo, Lovely Sarmiento, Marco Balatbat, at Ranny Sarmiento, pawang mga residente sa Brgy. Poblacion, Norzagaray.
Inaresto ang mga suspek sa anti-illegal drug operations na isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Norzagaray MPS, nasamsaman ng pitong pakete ng hinihinalang shabu, elf truck, motorsiklo, at buy bust money.
Kasunod nito, dinakip ang walong indibidwal sa inilatag na anti-illegal gambling operations ng mga operatiba ng San Jose del Monte CPS at Sta. Maria MPS na naaktohan ang lima sa tupada habang nahuling nagsusugal ang tatlo gamit ang baraha.
Nakompiska sa mga suspek ang tari, manok na panabong, mga baraha at perang taya.
Gayondin, dinakip ang apat na iba pa, pawang may kasong kriminal sa pagresponde ng mga elemento ng Guiguinto, Meycauayan, at Sta. Maria MPS sa mga insidente ng krimen.
Kinilala ang mga suspek na sina Mark Steven Perez at Jhonjhon Barrameda ng Bgry. Saluysoy, Meycauayan, na inaresto sa mga kasong Direct Assault, Alarm and Scandal at Resistance and Disobedience to an Agent of Person in Authority; Rico Mar Birad ng Brgy. Sta. Clara, Sta. Maria sa kasong Rape; at Jerome Dela Cruz ng Bgry. Tabang, Guiguinto sa kasong Robbery.
Nasukol rin ang isang wanted person na kinilalang si Paulina Lumanga ng Brgy. Guijo, San Jose del Monte sa ikinasang manhunt operation ng pinagsanib na puwersa ng San Jose del Monte CPS, 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC), 301st MC RMFB3, 3rd SOU Maritime Group, at PHPT Bulacan sa krimeng Falsification of Public Document.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting units ang mga mga nadakip na akusado at para sa naaangkop na disposisyon. (MICKA BAUTISTA)