TATLONG hinihinalang adik sa droga ang binitbit papasok sa kulungan, kasama ang isang 15-anyos na binatilyo na nasagip sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Malabon City police chief, Col. Albert Barot ang mga naarestong suspek na sina Aldrin Lupas, 25 anyos, ng Navotas City; Mike Alegado, alyas Chukoy, 40 anyos, residente sa Brgy., Tonsuya; at ang 15-anyos na binatilyo na taga Brgy. Longos ng nasabing lungsod.
Batay sa nakarating na ulat sa opisina ni Col. Barot, dakong 2:40 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa Lapu-Lapu Ave., Brgy., Longos, at isang undercover police ang nagawang makipagtransaksiyon ng P500 halaga ng droga kay Lupas.
Nang makita ang huudyat mula sa police poseur-buyer na nakabili na siya ng shabu sa kanilang target, agad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto ang suspek at binatilyo, kasama si Alegado na sinasabing parokyano ni Lupas.
Ani P/SSgt. Jerry Basungit, nakompiska sa mga suspek ang halos 3.1 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P21,080 at marked money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang ipinasa sa pangangalaga ng City Social Welfare Department (CSWD) ang menor-de-edad. (ROMMEL SALES)