INILUNSAD ng Bulacan PPO ang programang Ligtas Balik Eskwela kaugnay sa nakatakdang face-to-face classes ngayong araw ng Lunes, 22 Agosto.
Inihayag ni P/Col. Charlie Cabradilla, provincial director ng Bulacan PPO, 297 police officers kabilang ang Covid-19 patrollers ang itatalaga sa iba’t ibang pampubliko at pribadong paaralan at mga unibersidad gayondin sa mga estratehikong lugar at iba pang pasilidad na kinakailangang bantayan.
Sa pagtugon sa mga kinakailangan at katanungan kaugnay sa pagbubukas ng eskuwela, lumikha ang Bulacan PPO ng Police Assistance Desks (PADs), na malapit sa bisinidad ng mga paaralan.
Ipinamahagi rin ang mga flyers, brochures, at iba pang IEC materials para sa Ligtas Balik Eskwela 2022 sa lahat ng mga educational institutions sa lalawigan.
Ayon sa Bulacan PPO, ang pagtatalaga ng mga police personnel na magbibigay ng seguridad at pamamahala ng trapiko gayondin ang pagpapatupad ng health standards.
Dahil dito, madaragdagan ang presensiya ng pulisya upang pahintulutan silang makitungo sa mga potensiyal na isyu at mga alalahanin.
Makatitiyak din sa kaligtasan at seguridad ng mga estudyante, mga magulang at mga guro, partikular sa loob at paligid ng paaralan, at mahahadlangan ang ano mang potensiyal na krimen na makapasok sa lugar. (MICKA BAUTISTA)