BAGSAK sa kulungan ang isang online casino agent matapos makuhaan ng mahigit P.1 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni P/Lt. Doddie Aguirre, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela City police ang naarestong suspek na si Niño Nicanor Faustino, Jr., 42 anyos, online casino agent at residente sa P. Faustino St., Brgy., Punturin ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat ni P/SSgt. Ana Liza Antonio kay Valenzuela police chief Col. Salvador Destura, Jr., dakong 3:30 am nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangungun ni P/Lt. Aguirre ng buy bust operation sa bahay ng suspek matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta umano ng ilegal na droga.
Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksiyon sa suspek ng P7,500 halaga ng droga at nang tanggapin nito ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba.
Nakompiska sa suspek ang limang heat sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng halos 23 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P156,400, marked money, isang tunay na P500 bill at pitong pirasong P1,000 boodle money at cellphone pouch.
Kasong paglabag sa Section 5 at 11 under Article II of RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isinampa ng pulisya sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (ROMMEL SALES)