NADAKIP ng mga awtoridad ang ang pitong nagtutupada, dalawang suspek sa insidente ng nakawan, at dalawang hinihinalang tulak sa pinatindi pang operasyon kontra kriminalidad sa lalawigan ng Bulacan nitong Linggo, 14 Agosto 2022.
Ayon kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, naaresto ang dalawang suspek sa naging maagap na pagresponde ng mga tauhan ng Paombong MPS sa ulat ng nakawan sa isang convenience store sa Brgy. San Isidro 1.
Kinilala ang mga akusadong sina Renato Buenaventura, 38 anyos, residente sa Brgy. Bagna; at Rosauro Cahanding, 37 anyos, residente sa Brgy. Panasahan, parehong sa lungsod ng Malolos.
Nahuli ang dalawa matapos ang isinagawang pagtugis sa kanila ng mga awtoridad habang nakatakas ang isa nilang kasabwat na pinaghahanap ngayon.
Narekober mula sa mga suspek ang mga ninakaw na gamit kabilang ang apat na reams ng sari-saring sigarilyo; 39 sari-saring body spray, siyam na deodorant; tatlong pares ng earphones; at dalawang phone charging/data cables.
Hindi matukoy ng mga kinatawan ng convenience store ang halaga ng mga nanakaw na items samantala ang motorsiklong gamit ng dalawang suspek ay nakompiska ng mga awtoridad.
Samantala, nasukol ang dalawa sa pag-iingat ng hinihinalang ilegal na droga sa ikinasang ‘Oplan Sita’ ng mga tauhan ng San Jose Del Monte CPS sa bahagi ng Brgy. Citrus, sa lungsod.
Kinilala ang mga suspek na sina Mark Anthony Antiquera, 28 anyos; at Dylan Banania, 19 anyos, kapwa mula sa Brgy. Minuyan, na naunang pinara ng mga police officers para sa traffic violation.
Nakuha sa mga suspek ang mga piraso ng tuyong dahon ng marijuana na nakabalot sa papel, isang tube pipe, at coin purse na naglalaman ng tuyong dahon ng hinihinalang marijuana.
Dinampot din ng mga tauhan ng Bocaue MPS ang pitong indibidwal sa Brgy. Batia sa inilunsad na anti-illegal gambling operation.
Naaktohan ang mga suspek na nagtutupada sa naturang lugar. Nakuha sa mga suspek ang pitong manok na panabong, tari, at perang taya sa iba’t ibang denominasyon. (MICKA BAUTISTA)