IMAHINASYON lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang pangarap niyang wakasan ang gutom sa bansa.
Ayon kay Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, imbes puksain, lalong lalala ang kagutuman dahil sa panibagong pagtaas sa mga presyo ng pangunahing bilihin kagaya ng sardinas at noodles.
Ani Brosas, inaprobahan ito ng Department of Trade and Industry (DTI) sa gitna ng lumalalang kagutuman at krisis.
Ang pangako ay sinabi umano, ni Pangulong Marcos, Jr., sa pinakahuling vlog niya.
Batay sa ulat, aprobado ang 3-6% taas-presyo sa 67 batayang bilihin at maaari pang umabot sa 10% ang taas-presyo batay sa iba pang konsiderasyon.
Ani Brosas, dagdag dagok ito sa mahihirap na umaasa lang sa de lata at noodles para maitawid ang gutom ng kanilang mga pamilya.
Wala aniyang ibang choice na kakainin ang mahihirap dahil maging ang gulay ay napakamahal na.
Nanawagan si Brosas sa kapwa kongresista, ipasa ang House Bill 409 ng Gabriela Partylist o ang panukalang P10,000 ayuda sa mga pamilyang lubhang apektado ng taas-presyo, kalamidad, at pandemya lalo’t malawak ang kawalan ng trabaho.
Bukod dito, isusulong din ng mambabatas ang amyenda sa Price Act para pahigpitin ang price control sa mga batayang bilihin. (GERRY BALDO)