SIPAT
ni Mat Vicencio
SA DARATING na Sabado, Agosto 20, ipagdiriwang ang ika-83 birth anniversary ng hari ng pelikulang Filipino na si Fernando Poe, Jr.
Marami na naman ang magbabalik-tanaw na mga tagahanga at umiidolo sa kanya sa mga pelikulang ginawa ni Da King at isa na riyan ay “Ang Probinsyano” na ipinalabas noong 1997, at gaya ng marami niyang palabas ay tumabo rin sa mga sinehan.
And speaking of “Ang Probinsyano,| last week ay nagwakas ang teleseryeng inabangan ng milyon-milyong mga Pinoy sa nakalipas na pitong taon — ang FPJ’s Ang Probinsyano. Marami ang nalungkot sa pagtatapos ng teleserye na talaga namang naging bahagi ng buhay ng mga Pinoy.
At gaya ng marami, malaking bahagi rin ang nasabing teleserye sa buhay ng anak ni Da King na si Senador Grace Poe. Hindi lang dahil hango ito sa pelikula ng ama kundi dahil naging malaking bahagi rin ang kanyang ina na si Susan Roces na isa sa tunay namang nagbigay ng puso sa nasabing action-drama.
Kaya nga sa naging pagtatapos ng teleserye nitong Biyernes ay labis-labis din ang pasalamat ng senador dahil ang palabas ay isang pagkilala at pagbibigay karangalan sa kanyang mga yumaong magulang.
Sa kanyang pahayag, sinabi ng senador na ang paggawa ng isang dekalidad na programa ay nagbibigay ng pag-asa, inspirasyon, at kaligayahan sa ating mga kababayan, na siya ring layunin ng kanyang ama noong nabubuhay pa ito.
“Sa lahat po ng nagmahal sa legasiya ng aking mga magulang na sina FPJ at Susan Roces, tanggapin n’yo po ang aking taos-pusong pasasalamat sa inyong pagtangkilik sa FPJ’s Ang Probinsyano sa loob ng pitong taon,” ayon sa pahayag ni Grace.
Talaga namang nakaukit na sa puso ni Grace at ng maraming Pinoy ang alaala ni FPJ.
At gaya na nga rin ng ating inaasahan, muli na namang magbibigay-pugay at pagkilala ang kanyang mga fans sa darating na kaarawan ni Da King at siguradong dadagsain ang kanyang puntod sa Manila North Cemetery upang mag-alay ng mga bulaklak at panalangin.
Ang pagkalinga sa mga hikahos, ang kakambal na tungkulin ni FPJ sa pagbibigay niya ng dekalidad na mga pelikula ay isa sa mga alaalang hindi malilimutan ng marami.
At sa paggunita ng ika-83 kaarawan ni Da King, nananalig tayong hindi lilimutin at magpapatuloy ang magandang alaalang kanyang iniwan sa ating mga kababayan.