SA KULUNGAN bumagsak ang isang lalaki, matapos tangayin ang bag ng isang babaeng out-patient sa isang diagnostic clinic sa Valenzuela City.
Kinilala ni P/Lt. Francisco Tannagan, Sub-Station-9 commander ang naarestong suspek bilang si Percival Carlos, 41 anyos, ng Balubaran, Brgy. Malinta, ng nasabing lungsod na nahaharap sa kasong Theft.
Ayon sa ulat, naiwan ni Eloisa Santos, 48 anyos, ng Brgy. Gen. T. De Leon, ang kanyang bag sa upuan ng waiting area ng diagnostic clinic sa McArthur Highway, Brgy. Karuhatan, habang kausap niya ang doktor dakong 11:45 am.
Tinangay ng suspek ang bag ng biktima sa upuan at mabilis na tumakas kaya hinabol siya ng ginang at iba pang pasyente sa clinic habang napansin ng mga napadaan na mga pulis ng SS9 na sina P/SSgt. Darwin Orale at Pat. Norbert Rosario ang kaguluhan.
Kaagad tumulong sa paghabol ang dalawang pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek hanggang narekober sa kanya ang belt bag ng biktima na may lamang identification (ID) cards, comb, ballpen, at P200 cash.
Nadiskubre ng pulisya na may record ng pagnanakaw (salisi) ang suspek sa Dasmariñas, Cavite noong 9 Marso 2020, robbery sa Quirino, Quezon City noong 10 Hunyo 2018, at robbery at paglabag sa R.A. 10591 sa Baler St., Quezon City noong 8 Pebrero 2022.
Hinimok ni Valenzuela City police chief, Col. Salvador Destura, Jr., ang publiko na maging alerto at bantayan ang kanilang mahahalagang gamit dahil iba-iba ang modus operandi ng mga kriminal. (ROMMEL SALES)