KULUNGAN ang kinasadlakan ng dalawang drug suspects matapos maaktohan ng mga pulis na nag-aabutan ng shabu sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Valenzuela City Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief P/Lt. Doddie Aguirre ang mga suspek na sina Daniel Catinbang, alyas Pilay, 22 anyos, residente sa Brgy. Paso De Blas, at Zaide Bumahid, alyas Zai, 40 anyos, isang garbage collector at residente sa Brgy. Parada kapwa ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat ni P/Cpl. Christopher Quiao, may hawak ng kaso, dakong 12:10 am nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Aguirre ng validation/surveillance matapos ang natanggap na impomasyon hinggil sa illegal drug activities sa TMU Toda, Brgy., Paso De Blas.
Naaktohan ng mga operatiba si Bumahid na may iniabot na isang transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu kay Catinbang na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.
Nakuha sa mga suspek ang tig-isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng sabot sa dalawang gramo ng hinihinalang shabu, nasa P13,600 ang halaga, P300 cash at cellphone.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)