KAISA si Bulacan Gov. Daniel R. Fernando sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na matiyak na sapat ang suplay ng pagkain sa bansa.
Bilang hudyat para sa hinahangad na mas masaganang ani at kita ng mga Bulakenyong magsasaka, ang unang pagpapalipad ng isang agricultural drone na binili ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ay pinangunahan ni Fernando noong Martes, 9 Agosto, kasama ang Provincial Agriculture Office (PAO) sa bukirin ni Elizabeth Esguerra sa Brgy. Pinac-pinacan, San Rafael, Bulacan.
Bago isinagawa ang aktwal na seed spreading gamit ang drone, nagbigay ng oryentasyon ang mga tauhan ng PAO kina Fernando, Punong Bayan Mark Cholo Violago ng San Rafael, Bokal Romeo Castro, Jr. at Punong Barangay Alberto Bautista at mga magsasaka ukol sa mga benepisyo at gamit nito.
Ayon kay Gng. Ma. Gloria Carrillo ng PAO, ang nasabing multi-tasking drone ay isang makabagong equipment na nagpapagaan ng trabaho sa pagtatanim o pagsabog ng binhi sa kabukiran, pagi-spray ng pataba o kemikal upang labanan ang mga sakit at peste bukod pa sa napapabilis ang oras sa pagtapos ng gawain sa bukid.
Aniya, mas ligtas itong gamitin dahil maiiwasang masugatan ng suso at iba pang debris sa bukid dahil ang nasabing drone ay siya mismong lilipad para magsabog ng mga punla nang hindi na kakailanganin pang lumusong sa lupang sinasaka.
Samantala, bukod sa pagmomonitor ng paglipad ng drone seed spreader, sinubukan din ni Fernando na imaneho ang mechanical seed transplanter kasama si Violago at Castro para magtanim ng palay.
“Tunay nga po na isang malaking oportunidad ang hatid ng mga makabagong kagamitan na ito. At makaaasa po ang ating pamahalaang nasyunal sa pangunguna ni PBBM na laging nakasuporta at makikiisa ang Bulacan sa mga programa ng Kagawaran ng Agrikultura,” pahayag ng gobernador. (Micka Bautista)