NAGWAKAS ang pamamayagpag ng walong hinihinalang mga talamak tulak ng ilegal na droga matapos sunod-sunod na maaresto sa pinaigting pang operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles, 10 Agosto.
Sa ulat mula kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, nagkasa ng anti-illegal drugs operation ang magkasanib na mga elemento ng PIU-PDEU Bulacan PPO at mga tauhan ng SOU3-PDEG at Norzagaray MPS sa Brgy. FVR, Norzagaray.
Nadakip sa operasyon ang mga suspek na sina Richard Pineda, 49 anyos, OFW, residente ng Sta. Maria; Jorge Lopez, 42 anyos, helper, residente ng Pandi; Joven Bugarin, 33 anyos, recording studio arranger, residente ng San Jose Del Monte; Leon Bello III, 34 anyos, driver, residente ng San Jose Del Monte; Romnick Isidro, 19 anyos, assistant cook, residente ng Norzagaray; at Kristine Guerina, 28 anyos, residente ng Norzagaray, pawang sa naturang lalawigan.
Nasamsam mula sa mga suspek ang dalawang nakataling pakete ng plastik at sampung piraso ng selyadong pakete ng plastik na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang may timbang na 80 gramo at nagkakahalaga ng P544,000.
Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng mga kasong paglabag sa RA 10591 at Sections 11, 12, at 13 Article II ng RA 9165. (MICKA BAUTISTA)