Inaresto ng mga awtoridad ang dalawang lalaki matapos magpanggap na mga pulis at mangholdap sa mga driver sa lungsod ng Malolos, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Martes, 9 Agosto.
Ayon kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, agad rumesponde ang mga tauhan ng Malolos CPS upang madakip ang dalawang pekeng pulis para sa kasong Robbery.
Kinilala ang mga suspek na sina Regie Garcia, 32 anyos, factory worker; at Angelo Asistin, 27 anyos, shoe repairman, kapwa mga residente ng Brgy. Tikay, Malolos.
Nabatid na nagpakilala ang dalawang suspek bilang mga pulis sa mga driver ng pinapara nilang mga sasakyan saka kukumpiskahin ang driver’s license ng kanilang mga biktima sa mga sinasabi nilang traffic violation.
Matapos nito ay pasusunurin ng mga suspek sa kanila sa police station ang kanilang binibiktia subalit kapag nakarating sila sa madilim na bahagi ng lugar ay dito na nila idinedeklara ang kanilang pangho-holdap at tatakas dala ang mga dinambong na mga aria-arian.
Matapos makarating ang reklamo, agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Malolos CPS kung saan nila nahuli ang mga suspek sa habulang naganap sa Brgy. San Juan, sa nabanggit na lungsod.
Narekober mula sa mga suspek ang isang pitakang naglalaman ng ID’s, ATM card at perang nagkakahalagang P7,000, na positibong kinilala ng biktima na kanyang pag-aari. (MICKA BAUTISTA)