INARESTO ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos ireklamo ng karahasan kabilang ang 18 tulak at apat na iba pa sa magkakahiwalay na operasyon laban sa krimen sa lalawigan ng Bulacan nitong Lunes, 8 Agosto.
Sa ulat mula kay P/Col. Charlie Cabradilla, provincial director ng Bulacan police, kinilala ang unang suspek na nadakip na si Kevin Macasaddu, 27 anyos, online seller, at residente ng Brgy.186, Caloocan.
Dinampot si Macasaddu ng mga operatiba ng 1st PMFC Bulacan katuwang ang mga tauhan ng Malolos CPS at 301st MC RMFB sa kanyang bahay sa Brgy. Sumapang Matanda, Malolos dahil sa kasong paglabag sa Section 5(e) ng RA 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004.
Gayundin, dinakip ng warrant officers ng Bulacan CIDG, mga police stations ng Bocaue, San Miguel, at Marilao ang apat na kataong suspek sa iba’t ibang krimen.
Kinilala ang mga suspek na sina Escarlotte Diaz para sa kasong Robbery; Michael Gatchalian sa paglabag sa RA 7610; Armando Labasano para sa RIR in Damage to Property; at Rhobie Gabon para sa krimeng nakapaloob sa Article 318 RPC (Other Deceits).
Samantala, dakong 11:30 ng gabi kamakalawa nang magkasa ang mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit (PIU) drug buybust operation sa Brgy. Muzon, San Jose del Monte na nagresulta sa pagkaaresto ng apat na hinihinalang tulak na sina John Michael Patingan, Mark Anthony Reis, Ashley Morada, at Maricel Mendoza.
Nakumpiska mula sa kanila ang anim na pakete ng hininihinalang shabu na may timbang na 15 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P102,000; isang Cal. 38 revolver; at marked money.
Sa karagdagang serye ng anti-illegal drugs operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng mga police station ng Plaridel, San Jose del Monte, at Malolos , naaresto ang 14 pang hinihinalang tulak na nasamsaman ng may kabuuang 25 pakete ng hinihinalang shabu nagkakahalaga ng P84,600; at bust money. (MICKA BAUTISTA)