Tuesday , December 24 2024

TRO ihihirit sa PH court
DIGONG ‘DINADAGA’ SA ARREST WARRANT NG INT’L CRIM COURT 

080322 Hataw Frontpage

ni ROSE NOVENARIO

NAIS ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na humiling sa hukuman ng temporary restraining order (TRO) upang maiwasan ang nakaambang pagpapaaresto sa kanya ng International Criminal Court (ICC) kapag natuloy ang imbestigasyon sa mga patayang naganap sa isinulong niyang madugong drug war.

Ayon kay dating Duterte spokesman Harry Roque, iminungkahi ito ng dating pangulo sa pulong kasama ang mga dating miyembro ng kanyang gabinete kamakalawa ng gabi.

“He also said, and actually this idea came from him… that if, for any reason, the ICC will continue to exercise its jurisdiction, he will go before Philippine courts for a restraining order to restrain the Philippine police from serving the warrant of arrest against him,” ani Roque sa panayam sa ABS-CBN News Channel kahapon.

“He will argue that the Philippine courts are able and willing to prosecute these cases and therefore, there is no basis for foreign institutions to interfere and this is a consequence of being a sovereign country,” dagdag ni Roque.

Nakahanda aniya si Duterte na harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya kaugnay sa drug war ngunit sa mga hukuman lamang sa Filipinas at hindi sa ICC.

Kahit harangin ang pagpasok sa bansa ng ICC investigators ay hindi mapipigilan ang pag-iimbestiga dahil hindi naman kailangan ang pisikal na presensiya  nila at naisasagawa naman ito ng open source investigations.

“The ICC now does open source investigations that means there is also precedent using social media evidence in addition to like Zoom meetings in international criminal prosecution,” sabi ni Dumpit sa ANC kamakailan.

Inihalimbawa niya ang kaso ni Al Werfalli, Libyan military general, na akusado ng war crimes na isinailalim sa open source investigation at inisyuhan ng warrant of arrest ng ICC kahit hindi nakipagtulungan sa pagsisiyasat.

Batay sa ulat, ginamit na ebidensiya laban kay Werfalli ang mga ipinaskil na pitong video sa social media na nagpakita na pinatay niya o inutusang paslangin ang mga bilanggo sa Benghazi kaya naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang ICC.

Inaresto ng Libyan National Army si Werfalli matapos ilabas ng ICC ang warrant of arrest ngunit nakatakas siya at napatay sa ambush noong Marso 2021. (ROSE NOVENARIO)

***

Giit ng Palasyo
PAGBALIK SA ICC,
PAGLABAG
SA SOBERANYA

IGINIIT ng Malacañang na paglabag sa soberanya ng Filipinas kapag bumalik ang bansa bilang signatory sa Rome Statute, ang lumikha sa International Criminal Court (ICC).

“Ang hindi natin pagbabalik sa ICC ay isyu ng soberanya,” ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa press briefing kahapon sa Palasyo.

Ang pahayag ay ginawa ni Angeles, kasunod ng sinabi ni Kristina Conti, abogado ng Rise Up for Life and for Rights, isang volunteer group na nagbibigay ng legal assistance sa mga survivor at  mga pamilya ng Duterte drug war victims, na isang “terrible mistake” ang pasya ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na huwag nang bumalik sa ICC ang Filipinas.

Nagbabala si Conti na ang naturang desisyon ni FM Jr., ay magdaragdag ng political pressure sa bansa na nahaharap sa matinding krisis pang-ekonomiya at kalbaryong panlipunan.

Kailangan paghandaan aniya ni FM Jr., ang isang “political storm with international impact” kapag tumangging makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC.

Ipinaliwanag ni Angeles, iniimbestigahan ng mga hukuman sa Filipinas ang mga kaso ng mga namatay dahil sa Duterte drug war kaya’t hindi na kailangan sagutin ang ICC o bumalik sa Rome Statute ang Filipinas.

“So, naiintindihan natin na ang mga biktima ay may hinaing ngunit bukas po ang ating mga hukuman at ang proseso ng hustisya para sa kanilang hinaing,” sabi ni Angeles.

Matatandaang sinabi ni dating ICC Judge Raul Pangalangan, may hurisdiksyon ang ICC sa mga krimen na naganap habang ang Filipinas ay kasapi pa ng Rome Statute.

“Investigations can be done via online video mechanisms,” sabi niya.

Puwede aniyang kilalanin ng ICC ang mga pahayag ng mga testigo para maging bahagi ng record upang maitaguyod ang sapat na batayan para maghain ng mga kaso laban sa mga akusado.

“The case and the investigation can move forward without the cooperation of the state. Because the only issue is whether there is enough evidence to support an indictment,” sabi ni Pangalangan.

“If that evidence is secured locally by witnesses who stepped forward within the Philippines and that evidence is sent on to The Hague, it will be available to support an indictment.”

Nauna rito’y inihayag ni Commission on Human Rights (CHR) Commissioner Karen Dumpit na makikipagtulungan ang komisyon sa imbestigasyon ng ICC kahit ayaw ng gobyerno ng Filipinas.

Sakaling magkaroon ng indictment o pormal na hatol ang Pre-Trial Chamber, puwede nang umusad sa trial stage ang kaso.

“The case and the investigation can move forward without the cooperation of the state. Because the only issue is whether there is enough evidence to support an indictment,” sabi ni Pangalangan.

“If that evidence is secured locally by witnesses who stepped forward within the Philippines and that evidence is sent on to The Hague, it will be available to support an indictment.” (ROSE NOVENARIO)

***

PAGBUHAY SA KASO
NG ICC TARGET
SI DIGONG — BATO

TAHASANG sinabi ni Senador Renato “Bato” dela Rosa na tanging si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang target ng pagbuhay muli ng isinampang kaso sa International Criminal Court (ICC) ukol sa paglabag sa karapatang pantao alinsunod sa kampanya ng dating administrasyon laban sa ilegal na droga sa bansa.

Ayon kay Dela Rosa, kung talagang mayroong naganap na paglabag sa karapatang pantao o pang-abuso, dapat dito isinampa ang reklamo para litisin sa ating mga korte.

Naniniwala si Dela Rosa, gumagalaw at patuloy na tumatakbo ang justice system sa bansa bagama’t mayroong kabagalan o katagalan.

Hindi lahat ng naganap sa kampanya ukol sa ilegal na droga ay mayroong paglabag sa kaparatang pantao, ani Dela Rosa.

Aniya, paano ang mga pulis na nagbuwis ng kanilang buhay sa operasyon at tama ang proseso ng kanilang operasyong ginawa?

Hindi aniya maaaring pakialaman ang batas panloob ng isang bansa ng mga dayuhan at lalong hindi dapat imbestigahan ang isang Filipino ng ibang dayuhan lalo kapag naganap ang sinasabing krimen o akusasyon sa loob mismo ng bansa o teritoryo ng Filipinas.

Dahil dito hinamon ni Dela Rosa ang lahat na magsama-sama ng kaso para isang sampahan. Sa ating korte, sinabing dapat ihain upang dito litisin at maigawad ang tamang hustisya o desisyong nararapat.

Tinukoy ni Dela Rosa, kilalang kilala siya ng mga tao at grupong nasa likod ng naturang kaso o usapin, mga taong nais ipakulong at sirain ang pangalan ng dating Pangulo.

Aminado si Dela Rosa, noong siya ang pinuno ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng Duterte administration ay walang direktang utos sa kanila na pumatay ng mga taong sangkot sa droga ang Pangulo.

Bagkus ay ipinagtanggol ng pulisya ang kanilang sarili kung nasa bingit ng kamatayan ang kanilang buhay laban sa kanilang hinuhuli. (NIÑO ACLAN)

About Rose Novenario

Check Also

Muntinlupa

Sa ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag
MUNTINLUPA NAGDIWANG SA DIWA NG TUNAY NA PUSO NG MAMAMAYAN

IPINAGDIWANG ng Lungsod ng Muntinlupa ang ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag na isa sa mahalagang okasyon …

122024 Hataw Frontpage

DSWD relief goods inire-repack  
MALABON SOLON, ASAWA, 1 PA INASUNTO SA OMBUDSMAN

HATAW News Team INIREKLAMO sa Office of the Ombudsman sa kasong Qualified Theft at paglabag …

Chavit, umaariba sa poll ratings

HATAW News Team SA PAG-AKYAT ng kanyang grado mula 14.71% hanggang sa 26%, tila naging …

Barasoain Malolos Bulacan

Pamanang kultural ibinida ng Bulacan sa PH Experience Program ng DOT

IPINAGMAMALAKI ang mayaman at makulay na kultura ng Bulacan, ibinida ng mga Bulakenyo ang pamanang …

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

KASUNOD ng inspeksiyon ni PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga tindahan ng mga …