ISUSULONG ni US State Secretary Antony Blinken ang mga isyu ng West Philippine Sea (WPS), kalakakan, pamumuhunan sa clean energy, at pagpapatatag ng paggalang sa karapatang pantao, pati press freedom, sa kanyang pulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Malacañang sa Sabado, 6 Agosto 2022.
Inihayag ito ni East Asian and Pacific Affairs Assistant Secretary Daniel J. Kritenbrink sa press briefing sa US State Department kaugnay sa pagbisita ni Blinken sa bansa matapos dumalo sa Cambodia para sa US – Association of Southeast Asian Nations (Asean) ministerial meeting sa Cambodia.
Ayon kay Kritenbrink, ikinagalak ng Amerika ang mga pahayag ni FM Jr., na pinahahalagahan niya ang pag-iingat sa territorial integrity ng Filipinas.
“We welcome the statements that President Marcos recently made about the importance of preserving the Philippines’ territorial integrity,” aniya.
Igigiit, aniya, ni Blinken ang matibay na komitment ng US sa Mutual Defense Treaty.
“Secretary Blinken will reinforce and underscore to our Philippine allies that our commitment to our Mutual Defense Treaty is ironclad,” anang US official.
“He also intends to have important discussions on enhanced cooperation on trade and investment and on clean energy, as well as on advancing our shared democratic values and strengthening respect for human rights, including press freedom,” dagdag niya.
Napaulat kamakailan na inaasahang magtutungo si FM Jr., sa New York sa Setyembre 2022 para dumalo sa United Nations General Assembly.
Magpupunta rin umano si FM Jr., sa Washington DC para sa isang state visit bilang pagtalima sa paanyaya ni President Joe Biden.
Marami ang nag-aabang sa US visit ni FM Jr., bunsod ng report na may “standing warrant of arrest” siya sa Amerika kaugnay sa criminal contempt na desisyon ng US District Court of Hawaii at ng US Court of Appeals dahil sa pagkabigo niyang sundin ang utos ng hukuman na bayaran ang martial law human rights victims na nagsampa ng class suit sa Estados Unidos. (ROSE NOVENARIO)