HINDI pa kailangan magdeklara ng state of national calamity kasunod ng magnitude 7.0 lindol na yumanig sa malaking bahagi ng Northern Luzon, partikular sa Abra kahapon ng umaga.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang patakaran sa pagdedeklara ng state of national calamity ay kapag umabot sa tatlong rehiyon ang naapektohan ng kalamidad.
“Hindi naman naapektohan ang tatlo. So far, we can say that it’s Region 1 and CAR (Cordillera Administrative Region). So I don’t think it’s necessary right now to declare,” sabi ni Marcos sa press briefing kahapon sa Malacañang.
“Right now, hindi pa nangangailangan na mag-deklara ng national calamity,” dagdag niya.
Inihayag ni FM Jr., isusulong niya ang pagsasabatas ng Department of Disaster Resilience (DDR) upang may partikular na kagawarang tututok sa mga kalamidad gaya ng lindol, bagyo, at iba pang sanhi ng climate change.
Nais din niyang iparepaso ang National Building Code at maayos na implementasyon nito para patiyak na ligtas ang mga estrukturang itinayo at itatayo pa lamang.
“Wag sana umulan at least for the next two days para makapag-stabilize tayo, lalo na ‘yung mga daan, para mainspeksiyon na rin ‘yung mga bahay if they are safe to go back to,” sabi niya hinggil sa pagbabalik ng mga residente sa mga napinsalang bahay.
“Siguro hindi pa ngayon dahil even if they are structurally safe to return magkakaroon pa tayo ng aftershock. Baka doon naman magkaproblema.”
Umabot sa limang katao ang namatay at 64 ang nasugatan sanhi ng lindol, batay sa ulat ng National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC). (ROSE NOVENARIO)